Nagpakilala sina SPO1 Quiambao at PO3 Morales na mga alagad ng batas at inatasan si Murillo na itaas ang suot na t-shirt kung saan tumambad ang sukbit nitong kalibre .38 revolver na may limang bala habang tatlong magkakaibang uri ng cellular phone sa loob ng dalang sling bag ang nakumpiska sa kanya. Positibo naman siyang kinilala ni Aling Cristina na isa sa miyembro ng CSG na umano’y dumukot sa kanyang anak na si Charlie.

Itinuro ni Murillo sa mga awtoridad ang kina­roroonan ng kanyang kasamahang si Marco Morallos, 33, sa bahay nito sa naturan ding lugar sa Building 22 Temporary Housing na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakuha sa bahay ni Morallos ang isang ­kalibre .9mm pistol na may magazine na ­lamang limang bala at karagdagan pang 16 na piraso ng bala ng kalibre .9mm.

Nang tanungin kung nasaan pa ang iba nilang armas, sinamahan ni Morallos sina Chief Insp. Ibay at Senior Insp. De Castro sa kanilang outpost sa kanto ng Capulong at Road 210.

Nang dumating sina Chief Insp. Ibay sa lugar, naroon na ang mga tauhan ng Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) na kinabibilangan nina PO1 Arjay Bautista, PO1 Ariel Aya­dawan at PO1 Arthur Lapada, na kabilang sa nagsagawa ng pag-TUGIS sa iba pang miyembro ng CSG Tondo Chapter 2 at hawak na nila ang isa pang suspek na si Alfredo Alejan, Jr. 42, residente ng Building 3 Temporary Housing.

Sa kanilang sinumpaang affidavit of apprehension, sinabi ng tatlong miyembro ng Smokey Mountain PCP na namataan nila si Alejan malapit sa outpost ng CSG Tondo Chapter 2 kaya’t kaagad nilang sinita at sinuri ang dala nitong back pack.

Sa ulat ng pulisya, nakuha sa bulsa ni Alejan ang ilang piraso ng bala habang naglalaman naman ng iba’t ibang uri ng cellular phones ang dala nitong back pack.

Puwersahan namang binuksan nina Chief Insp. Ibay ang nakakandadong pintuan ng outpost ng grupo sa pamamagitan ng paggamit ng battery ram o matigas na bakal na dala ng mga tauhan ng Special Reaction Unit (SRU) at tumambad sa kanila ang iba’t-ibang uri ng armas kabilang ang dalawang homemade shotgun o sumpak, tatlong bala ng shotgun, 24 na piraso ng bala ng kalibre .45, at isang black scope.

Bigo naman ang grupo ng kapulisan na madakip ang iba pang miyembro ng CSG Tondo Chapter na itinuturo ng mag-inang Cristina at Eximila na may kinalaman sa pagpaslang sa kanilang anak at kapatid na si Charlie at nagbanta rin sa kanila na papatayin ang buong pamilya.

Kinabukasan, Pebrero 9, 2017, iprinisinta sa mga mamamahayag nina dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at MPD Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang tatlong mi­yembro ng CSG Tondo Chapter na itinuturong may kagagawan sa sunod-sunod na nangyaya­ring pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga, panghoholdap, pagnanakaw at iba pang krimen sa area ng Tondo.