Sinabi ni Dela Rosa na maituturing na mga miyembro ng vigilante group ang mga nadakip na siyang may kagagawan ng mga “extra-judicial killings” sa Tondo na laging ibinibintang sa pulisya.
Idinugtong pa niya na inamin na rin sa kanya ni Murillo ang kanilang partisipasyon sa nangyayaring pagpatay at itinuro ang isang alyas Commander Maning na ang tunay na pangalan ay Ricardo Villamonte na nagbibigay ng utos sa kanila kung sino ang mga papatayin na sangkot sa iligal na droga at iba pang krimen.
Sa harap ng mga mamamahayag, pinagsalita ng PNP chief si Murillo at muli nitong inulit ang pagkakasangkot nila sa mga pagpatay na aniya ay batay sa utos ng kanilang lider na si Commander Maning at Kagawad Michael Sibucao na kilala sa alyas “Boss Michael.”
Ayon naman kay Chief Supt. Coronel, ang itinuturong Commander Maning ni Murillo ay si Ricardo Villamonte na tumatayong lider ng CSG Tondo Chapter 2. Inamin niya na pinagkalooban nila ng pahintulot ang grupo na maging peacekeepers at force multipliers ng kapulisan subalit hindi sila pinahihintulutang magdala ng anumang uri ng armas.
Sa loob aniya ng limang buwan ay naging aktibo ang grupo ni Villamonte sa pagtulong sa kapulisan bilang peacekeepers subalit kalaunan ay nakatanggap na sila ng mga reklamo hinggil sa ginagawang pang-aabuso ng mga ito at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa krimen.
Inihayag pa ng MPD chief na marami ang nag-akala na miyembro na ng kapulisan ang CSG kaya’t kinatakutan ang kanilang grupo ng maraming taga-Tondo na naging dahilan upang wala isa mang kaanak ng kanilang napapaslang na maghain ng reklamo.
Dahil na rin sa mga nakumpiskang mga mobile phones sa mga naarestong suspek, natukoy ni Chief Supt. Coronel ang ilan sa mga napaslang na grupo, bago pa man maghain ng reklamo ang ina ng 16-anyos na si Charlie Saladaga na kanilang binaril at itinapon ang bangkay na isinilid sa sako sa dagat ng Manila Bay.
Sa pagtaya ng kapulisan, aabot na sa 20-katao, na pawang mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga at iba pang krimen, ang pinatay ng grupo ng CSG Tondo Chapter 2 subalit isa man sa pamilya ng mga ito ay walang nangahas na maghain ng kaukulang reklamo.
Sa bilang ng mga hinihinalang biktima ng extra judicial killings na kagagawan umano ng grupo ni Commander Maning, tatlo lamang, maliban kay Charlie Saladaga, ang binanggit na pangalan ni Chief Supt. Coronel sa pulong-balitaan kabilang rito sina Rene Desierto na pinatay noong buwan ng Nobyembre, Danilo Peñalosa noong Oktubre at Oliver Pableo noong Setyembre ng taong 2016.
Ang lahat ng mga pinaslang ay pawang naitala sa police blotter na “Death Under Inquiry” o DUI habang ang isang pang napaslang na nagngangalang Ernesto Sabado na pinagbabaril noong Nobyembre 15, 2016 ay posibleng kagagawan din umano ng grupo ng CSG Tondo Chapter 2.