Interesado pa ba ang mga botante sa mga debate?
Sa panahon ngayon ng modern technology, mas nakatutok na ang paraan ng kampanya sa mga infomercial sa social media, radyo at telebisyon, online news at campaign sortie sa ilang mga lugar na malaki ang bilang ng mga botante.
Bago nagsimula ang official campaign period, ilang radio station kabilang ang DZRH at mga television station ay naglaan ng mga programa para marinig ang plataporma at posisyon ng mga senatorial candidate.
Pero kapansin-pansin, ang mga hindi kilalang mga kandidato ang masisipag pumunta at makiisa sa mga senatorial interview.
Dahil kampante na, dedma na ang mga kilalang kandidato lalo na ang mga nasa magic 12 sa mga senatorial survey at sa halip umattend sa mga guesting, nag-iikot na lang sa iba’t ibang mga lugar.
Dedma rin ang publiko sa hamon ng debate sa pagitan ng mga kandidato ng Otso Diretso at mga kandidatong sinusuportahan ng Hugpong ng Pagbabago.
Biro ng ilang netizen, sa halip na debate, gagamitin ang forum para magbatuhan lang ng putik.
May alegasyon pa na gagamitin din umano ito ng Otso Diretso para mapansin dahil karamihan sa kanilang kandidato ay hindi masyadong kilala ng publiko at hirap na makapasok sa magic 12 ng mga survey.
Maganda sana ang debate para maging sukatan sa kakayahan ng mga kumakandidato sa pagka-senador at anong plataporma sakaling mahalal sa puwesto.
Pero ang tanong, pagkatapos marinig ang plataporma at malaman ang posisyon sa iba’t ibang mga isyu, tatatak ba ito sa mga botante?
Sa totoo lang, maraming senatoriable ang masipag umattend sa mga senatorial interview, magaganda ang plataporma, pero kulelat pa rin sa mga survey.
Hangga’t hindi nagbabago ang uri ng ating mga botante, naka-template pa rin sa mga sikat, guwapo at may pera ang mga mananalo at mananatiling manipis lang ang impact ng mga debate.
***
Timing kung ilalabas na ngayong buwan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng mga narco politician.
Ngayong Marso ang simula ng campaign period sa mga local candidate.
Sa datos ng PDEA, marami sa mga nasa narco list ay incumbent local official na muling kakandidato ngayong midterm elections.
Ilang senador ang tutol sa panukalang isapubliko ang narco list. Kung meron daw kasi na matibay na ebidensiya ang PDEA, kasuhan na lang ang mga ito.
Punto naman ng PDEA at DILG sa pagsasapubliko ng listahan, para mabigyan ng babala ang publiko at huwag nang iboto ang mga narco politician.
Matuloy man o hindi ang planong ito ng PDEA at DILG, nakasalalay sa mga botante kung mananalo ang politiko na sangkot sa operasyon o nagsisilbing protektor ng mga sindikato sa droga.
Hamon sa mga botante kung bibigyan pa ng pagkakataon na iboto ang mga local candidate na alam naman nilang sangkot o protektor ng illegal drug trade sa kani-kanilang mga lugar.