Nakatutuwa naman na may isang espesyal na araw ang inilaan para sa mga kababaihan at ito ay ang International Women’s Day (IWD) na ipinagdiriwang hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.

Espesyal at katangi-tangi ang okasyong ito. Kasi kahit isang araw ay kinikilala ng buong mundo ang kabuluhan ng mga kababaihan.

Ang sabi sa isang artikulo, may 28 bansa ang kumikilala sa Araw ng Kababaihan bilang national holiday.

Para sa mga bansang ito, sadyang mahalaga ang IWD kumpara sa mga karaniwang araw na dumaraan lang para sa aming mga kababaihan.
Pero, bakit kaya hindi pa nilubos na gawin itong napaka-espesyal na araw para sa aming mga girls? Ang saya-saya siguro kung ginawa itong holiday – kahit special non-working holiday man lang – sa Pilipinas. Sana, sinagad na ang pagkilala sa amin para maramdaman namin ang tunay na diwa ng aming pagiging babae. Wish lang namin na magkatotoo ito. Sana sa araw man lang na ito ay maramdaman namin na kami ang reyna o prin­sesa.

Dito sa ating bansa, dalawa na ang naging babaeng presidente. Ibig sabihin lang nito ay may kakayahan din ang mga kababaihan na mamuno kahit sa mga kalalakihan.

Kahit sa dalawang kapulungan natin sa Kongreso ay marami na ring babae ang nakaupo ngayon.

At siguro naman, sa dami nila ay may kakayahan sila na magpasa ng isang batas para isulong na gawing holiday ang IWD.

Bakit nga ba mga madam? Wala po bang nagkaisip nito sa inyo? Try n’yo lang po at baka suportahan kayo ng mga kasamahan ninyo. ‘Di nga ba, gusto ng mga kalalakihan na maging happy ang kanilang mga ina, asawa at anak na babae?
Kapag naisakatuparan ito, siyempre, ‘wag na tayong magulat kung ihihirit naman ng mga lalaki na dapat ay mayroon din silang International Men’s Day na gagawin ding holiday.
Bakit nga ba merong women’s day at walang men’s day?

Ime-memorize pa ba ang sagot dito? Kasi po noong unang panahon, alipin at commodity ang turing sa mga babae. Ipinagbibili sila bilang utusan at kung minsan ay asawa.

Sad nga kasi noon ay walang anumang karapatan ang mga babae at ang amo o panginoon niya ay lalaki.

Noong unang panahon, piyesta araw-araw sa mga kalalakihan. Kasi araw-araw ay men’s day, ika nga.
Pero dumating ang panahon na namulat at nagising ang isip ng mga babae at inilaban ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae.

Sa totoo lang, dumanas ng katakot-takot na hirap ang mga kababaihan bago ito nagawa.
Hindi mabilang na babaeng lider ang ikinulong at nagbuwis ng buhay sa paglaban ng pantay na karapatan ng mga lalaki at babae.

Isa sa unang napagtagumpayan ay ang pagkakaroon ng women’s day. Sumunod na ang iba pang mga karapatan at kalayaan.
Dito sa atin, aminin na natin na ramdam pa rin ang ‘macho world’ sa maraming sulok ng bansa.

Hindi lang dahil sa nakasanayan at atrasadong kaisipan ng lipunan kundi dahil mismong mga Pilipina ay nananatiling anino lang ng mga lalaki sa kanilang buhay.

Dala ng maraming factors, wala silang sari­ling pagpapasya, walang sariling pera at walang sariling buhay.
Sila ang mga babaeng isinuko ang kanilang pagkatao sa kanilang mister.

Ang dami nang nangyari sa mundo. Kahit dito sa Pilipinas ay marami na ring nabago. Pero may ilang bagay talaga na hindi pa lubusang naisusulong.

Wish ko lang na bilang babae, sana ay dumating ang panahon na lubos na lumaya sa sariling pagpapaalipin ang bawat Pilipina.
Para sa mga hindi pa namumulat at puno pa ng takot ang kanilang mga dibdib, sana ay matuto na kayo. Inilaban at ipinagpatayan ito ng mga naunang babaeng lider at ‘wag sana nating pabayaan ito. Huwag natin itong isuko.
At para naman sa mga kababaihang may sapat na tapang at tatag ng loob na ipaglaban ang mga karapatan ng mga kababaihan, ‘wag sana kayong magbabago.
Huwag kayong tumigil na may mga pagkakataong puwede nating sabihin na kaya na nating pumantay sa mga kalalakihan. Kaya nating tumayo sa mga paa natin nang hindi umaasa sa mga kalalakihan.

Sa mga kalalakihan naman na kakampi ng mga kababaihan sa pagsusulong ng kanilang karapatan, maraming salamat sa inyo.

Salamat sa pagiging boses namin para makarating sa pamahalaan ang aming mga panga­ngailangan. Salamat sa mga ordinansang lokal kontra pambabastos at pangmamaliit sa kababaihan.

Salamat sa panukalang batas na suwelduhan din ang mga maybahay at ina dahil sa pinakamarangal nilang trabaho at kontribusyon sa ekonomiya at moralidad ng bansa.

Pero ang mas importante ay ‘yung iparamdam sa aming mga kababaihan ang inyong respeto at pagmamahal.
Walang kabayaran ito. ‘Yung iparamdam ninyo sa amin na mahalaga kaming nilalang na dapat tratuhin nang maayos kahit saan pa mang lugar sa mundo.

Salamat sa inyong pag-aalala na dapat kaming tratuhin at mahalin dahil kaming mga babae ang kawangis ng inyong mga ina na nag-alay ng kanilang buhay para mailuwal kayo sa mundong ito.
Salamat.