Ang kasaysayan ng bandila

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Sa paggunita ng Araw ng Kalayaan ngayong taon, nagbigay-pugay tayo sa mga sundalong nasawi at nasugatan sa kanilang pakikipaglaban sa mga bandido at terorista para mabawi ang Marawi City, at muling maiwagayway doon ang bandila ng Pilipinas.

At dahil ang pagwagayway ng bandila ay mala­king pampataas ng moral sa tropa ng pamahalaan na magagapi na at napatatalsik na ang mga sakit ng ulo na Maute group at mga alipores ni Isnilon Hapilon, magbibigay tayo ng ilang mahalagang impormasyon tungkol sa ating bandila.

Alam ba ninyo mga tsong na mula 1907 hanggang 1919 ay ipinagbawal sa mga Filipino ang mag-ingat at mawagayway ng bandila ng Pilipinas sa ilalim ng Flag Law of 1907 noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Napawalang-bisa lamang ito sa pamamagitan ng Senate Bill No. 1 na inihain ni Senador Rafael Palma, at naging batas bilang Act No. 2871, na pinirmahan ni Governor General Francis Burton Harrison noong October 24, 1919.

Naalala pa ba ninyo kung anu-anong lugar ang sumisimbulo sa walong sinag na makikita sa araw ng bandila ng Pilipinas? Ang walong sinag na ito ay kumakatawan sa walong lalawigan na madugong nakipaglaban sa mga mananakop na Kastila na — Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna at Batangas.

Ilang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes at Senado para gawing siyam ang sinag na ito para kumatawan sa mga Muslim at katutubong minorya.

At para sa inyong kaalaman pa, noon ang tatlong bituin sa watawat ay kumakatawan sa Luzon, Panay Island (hindi pa Visayas) at Mindanao.

Alam din ba ninyo na nagkaroon ng pag-aaral ang isang lupon para alamin kung anong lalawigan sa Mindanao ang nagkaroon ng unang pagwagayway ng watawat ng bansa. Ang mga lalawigan na umaangkin na sa kanilang lugar unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas ay ang Surigao, Butuan at Cagayan de Oro.

Sinasabing unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa Surigao noong December 26, 1898, habang January 10, 1898 naman sa CDO at January 17, 1899 sa Butuan.

Sa huli, nagdesisyon ang lupon na kinabibilangan ng mga dalubhasa na sa Surigao naganap ang opisyal at unang pagwagayway ng watawat ng bansa sa Mindanao.

Unang nasilayan ng mga kawal na Filipino ang opisyal na watawat na ginawa nina Doña Marcela Agoncillo, anak niyang si Lorenza, si Delfina Herbosa Natividad, noong May 28, 1898 nang bumalik na sa Pilipinas mula sa Hong Kong si Heneral Emilio Aguinaldo.

Ang naturang watawat din ang iwinagayway ni Aguinaldo nang iproklama niya sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Kastila noong June 12, 1898. Kaya naman ginugunita natin ang Flag Day mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)