Ang kati

Magtanong Kay Dok

Ang sintomas, maski anuman ay nangangahulugang may problema sa katawan natin. Mapabahagya man o malala na mapapatigil ka sa araw araw na gawain ay hindi dapat balewalain. Isa na dito ang sintomas ng pangangati sa balat, lalo na sa may singit at sa paa, na tanong ng ating tagasubaybay ngayong linggong ito. Nagumpisa na pamumula at pagangati hanggang sa naging pantal na mas lumalala ang pangangati na halos magsugat na. Ano kaya ito at ano ang pwedeng gawin para mawala agad dahil sa napakairitable na ng pakiramdam.

Kadalasan ang pangangati ay sinasabing nanggaling dahil sa isang allergy, o di kaya nakagat ng insekto. Ngunit may isang dahilan na kadalasan hindi napapansin hanggang sa lumala o magkakumplikasyon na. Ang fungal infection o tinatawag na Ringworm. Hindi ito parasitiko na bullate, ngunit isa itong fungal infection. Namumuhay sa mga lugar sa balat na madalas ay namamasa. Maaaring mapasa ulo o buhok, sa kamay o kuko, sa paa (kung tawagin ay athlete’s foot), at singit (o jock itch). Naguumpisa ito ng mapulang patche na bumubukol na makati. Sa panahon, lumalaki ito at bumibilog, nagmistulang “rings” o singsing. Sa katagalan ang looban ay klaro o may mga kaliskis at ang labas nito ay maaaring nakaalsa at mabukol bukol. Ito’y sobrang nakakahawa na maaaring makuha sa ibang taong mayroon nito, sa mga alagang hayop, sa mga bagay na di malinis, o di kaya, sa lupa.

Pinakamainam ay komunsulta sa inyong doktor o pinakamaganda, sa isang dermatologist upang mabigyan ng nararapat na gamot laban sa fungus o mga anti-fungal. Ang gamutan nito ay hindi panandalian, dapat pagtyagaan dahil linggo ang binibilang, maaaring umabot pa ng buwan bago gumaling dito. Ang mga gamot ay iniinom at may pinapahid.

Katulad ng idinidiin sa atin mula nang magumpisa ang pandemya ng Covid19, dapat natin panatiliin malinis ang ating mga sarili, ito din ang pinakaimportante sa pagiwas sa ringworm. 1. Manatiling malinis at siguraduhing tuyuin ang sarili. 2. Magsuot ng tsinelas o sapatos at huwag magpaa, lalo na kung lupa ang lalakaran o basa tulad ng mga locker rooms. 3. Regular na magpalit ng medyas at underwear, 4. huwag manghiram ng kagamitan o kasuotan basta basta. 5. Kung magsports, siguraduhing malinis ang lahat ng kagamitan at damit. Higit sa lahat, 6. maghugas madalas ng kamay.

Madali sanang maiwasan upang hindi dapuan ng fungal infection gaya ng ringworm. Ngunit kung makaramdam ng sintomas, ipatingin sa doktor. Kahit teleconsult o telemedicine kung natatakot pumunta sa ospital muna. At sundin ang payo nila. Maaaring lumala at magkaroon pa ng bacterial infection kung masusugatan ng husto ang balat sa kakakamot.

Hanggang sa susunod! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.