Nakabibingi ang katahimikan ng administrasyon sa pagdagsa ng mga Chinese national sa bansa. Walang pagkundena at aksyon mula sa gobyerno kahit pa ang isyung ito ay ikinababahala na ng taumbayan.
Sinegundahan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpasok ng mga Chinese national. Ayon sa kanila, pinapayagan lamang ng gobyerno ang kanilang pagpasok kung hindi kaya gawin ng mga Pilipino ang mga trabahong nasa bansa.
Ang pagtatrabaho ng mga Chinese national sa bansa ay isyu ng kanilang pakikihati sa trabahong para sana sa mga Pili­pino. Sa katuna­yan, marami ang Pili­pinong walang trabaho ngayon. Ayon sa pinakahuling ulat ng Social Weather Stations, 8.9 mil­yon ang walang trabaho noong third quarter ng 2018. Samantala, maraming mga Chinese national ang nasa bansa na iligal na nagtatrabaho.
Bukod sa pakikihati sa mga trabahong nakalaan sana sa mga Pilipino, kabi-kabila rin ang mga Chinese national na nasasangkot sa kriminalidad tulad ng pagpatay, kidnap for ransom, illegal gambling, iligal na negosyo at drug smuggling. Nagsimulang dumagsa ang mga ito mula noong maupo si Duterte.
Sa pagkakataong ito, hindi lamang teri­toryo at pagkain ang inaagaw sa mga Pili­pino. Pati ang pagkakataong mabuhay nang maginhawa ay unti-unti na ring nawawala. Ang pag-unlad na para sa Pili­pinas at mga Pilipino ay maaaring mapunta sa sinasabing kaibigan natin.
Ang hamon sa ating mga Pilipino ay maging kritikal sa mga proyektong nilagdaan sa ilalim ng Build, Build, Build program ng gobyerno. Dalawampu’t siyam na Memoranda of Understanding (MoU) ang pinirmahan noong bumisita si Chinese Presi­dent Xi Jinping. Habang ito ay ipinapakitang mabuti para sa bansa at mga Pilipino, dapat ay maging mapanuri tayo sa nilalaman ng mga kasunduan. Sa huli, Pilipinas ang talo sa kasunduang sinasabing makapagpapaunlad sa mga Pilipino.