Talagang may kakulitan ang mga drug addict dahil matapos manumpa na sila ay magbabago na, eh karamihan pala sa mga sumurender ay nagpapatuloy sa kanilang bisyo.
Hindi ko tuloy masisisi ang mga pulis na tugisin sila dahil hindi pala sapat ang kanilang kantang “I swear” na hindi sila babalik sa kanilang bisyo matapos silang ma-oplan tokhang.
Sabi ng isang mambabatas, 10% lang sa mahigit 717,000 na sumurender ay nagbabagong buhay na dahil sila ay sumailalim sa rehabilitasyon habang ang natitirang 90% ay walang kakayahang magpa-rehabilitate kaya ang resulta, balik sila sa kanilang hanapbuhay at bisyo.
Meron akong kilalang mayamang pamilya na ang anak ay pabalik-balik na sa rehabilitation center dahil pagkatapos ng anim na buwang rehabilitasyon ay balik sa kaniyang bisyo.
Napapansin daw nila na kapag lumabas sa rehabilitation center ang kanilang anak ay lalong sugapa sa droga, kapag ilang buwan lang sa labas ay muli nilang ipinapasok sa rehabilitation center.
Pero mayroon naman talagang nagbabago lalo na kung talagang gustong magbago. Totoo nga ang kasabihan na nasa isip lang talaga ang bisyo. Huwag daw isipin at libangin ang sarili, tiyak na maiiwasan mo ang bisyo.
Mahalaga din ang environment dahil talagang hindi magbabago ang isang tao na galing sa rehabilitation center kapag lumabas, eh yung mga barkada pa rin na nag-impluwensya sa kanya ang kanyang mga makakasama kaya dapat daw eh ilayo na sila sa kanilang lugar pagkatapos ng rehabilitation.
Ang problema lang ng mga mahihirap na durugista ay wala silang kakahayang gastusan ang kanilang rehabilitation kaya yung mga may pera lang na addict ang nakakapagbagong buhay.
Kaya hindi na ako magtataka kung pagkatapos nilang kantahin ang “I swear”, eh hindi sila magbabago dahil balik sila sa kanilang dating lugar na naging daan kung bakit sila nagkaroon ng bisyo.
Eto na naman tayo… ang mga tax payers na naman ang gagastos sa kanila para sila ay magbagong buhay dahil sa atin tiyak na kukunin ang bilyones na ipagpapatayo ng mga rehabilitation centers.
Totoong kailangang tulungan ng gobyerno ang mga taong ito para sila ay magbago at hindi makaperwisyo ng kapwa at maging kapaki-pakinabang sa lipunan pagkatapos.
Ang problema lang, lahat ng mamamayan ang kailangang magsakripisyo sa pamamagitan ng buwis na ibinabayad sa gobyerno para mabago lang ang buhay ng mga addict sa ating bansa.
Wala akong ibang sinisisi kung bakit lumala ang problema sa droga sa bansa kundi ang mga nakaraang administrasyon, lahat sila, dahil hindi nila ginawa ang kanilang trabaho para gawing drug free ang ‘Pinas.
Kung napigilan lang sana ng mga nakaraang administrasyon ang mga dayuhang nagluluto ng shabu sa ating bansa, eh hindi na umabot sa 3.7 milyon ang adik sa ating bansa. Kaya simula noong panahon ni Cory ay walang dapat puwedeng maghugas kamay sa problemang ito.
(dpa_btaguinod@yahoo.com)
Mahirap paniwalaan ang mga addict na tuyo n ang utak sa druga…kya nararapat lng n pgpahingahin na cla sa mundong ibabaw….
mismo… r.i.p.