Ang Last Dance ni MJ

Sa nakalipas na Huwebes, natalakay ko ang mga komento ng ilang mga opisyal at analysts ng basketball sa The Last Dance ESP/NetFlix documentary series para kay National Baskteball Association (NBA) legend Hall of Famer Michael Jordan at Chicago Bulls.

Pagpupugay ito sa kagalingan ni MJ at ng Bulls. Marami akong napanood na ‘di pa natin alam sa kanya, sa koponan, mga eksena sa dugout at sa mga opisyal ng koponan.

Sa pangalawang pagkakataon, narito ang iba pang komento tungkol sa may 10 serye. Galing ito sa mga kaibigan natin sa komunidad ng basketball sa bansa:

1. Coach Mike Escobido ng Aquinas College – Hindi nirespeto ni Bulls General Manager Jerry Krause si coach Phil Jackson, kasi sa umpisa pa lang ng isang season, kung saan nanalo ang Bulls ng pang-anim na kampeonato, sinabi niyang kahit manalo ng 82-0 ang team, hindi na babalik si Coach Phil sa koponan. Nakakapanghinayang kasi, puwedeng puwede pang makamit ng Bulls ang ikapito sanang kampeonato.

2. Former Shell Senior Executive Gary Puno – Lumaki ang respeto ko kay Steve Kerr bilang isang manlalaro at coach. Noong binaril ang tatay niya sa Beirut, hindi siya nawalan ng loob, lalo siyang nag sumikap at nakamit ang hangaring makasama sa Chicago squad.

3. Ex-player Ariel Morales – Nagkawatak-watak ang Bulls dahil sa kapapabayaan ng management. Maganda sanang makita kung makakamit pa ng Bulls ang pampitong titulo.

4. Architect Rey Punongbayan – Inilarawan ng The Last Dance ang galing, at kadakilaan ni Michael Jordan, na nagpasigla sa sport at sa NBA noong dekada 90.

5. Basketball fans Raymond Timbol at Vener Ariston – Iyong naglaro pa rin nang maganda si Michael Jordan kahit masama ang pakiramdam niya, dahil sa food poisoning sa pizza na kinain niya, isa sa magandang parte.

6. Businessman at Triskelion boss Ricky Flores – Ang mahalagang sinabi ni Scottie Pippen nang mag-baseball si His Airness, at nawala sa NBA nang matagal. Sabi niya, mas maganda ang laro ng mga player kung walang pressure. Mukhang takot lahat kay Jordan, at walang gustong magkamali.

7. Businessman Art Rivera – Si Michael, hindi lang pinakamagaling na player sa kanyang koponan, at paglalaro niya, nagkaron din ng tiwala sa kanyang mga kasama sa team.