Matapos ang pagkaka-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang opisyal ng Metrobank na sangkot diumano sa pagsasagawa ng multi-million pesong fake loans, dapat na palawakin pa ng NBI at ng Bangko Sentral ang kanilang masu­sing imbestigasyon.

Nadiskubre raw mismo ng Metrobank ang anomalya ni Ma. Victoria ‘Marivic’ Lopez, Corporate Services Management Head, nang makita ang isang sulat kung saan mababasa ang utos na isyuhan ng manager’s check ang isang kliyente.

Nabatid na maaari lang mag isyu ang bangko ng isang manager’s check sa kanilang mga corporate clients.

Hinihinala na pineke ni Lopez ang mga dokumento para lokohin ang pinag­lilingkurang bangko. Nahaharap ang suspek sa mga kasong qualified theft at falsification at paglabag sa general banking law.

Kahit maghugas-kamay pa ang kumpanyang Metrobank na sila mismo ang nagpahuli kay Lopez matapos nilang madiskubre ang illegal na transaksyon nito, hindi mawawala ang duda na matagal na itong nangyayari.

Malaki ang ating hinala na si Marivic ay may iba pang mga ka-kuntsaba sa krimen sa loob mismo ng kanilang kompanya.

May duda rin na baka itong si Marivic ay isang ‘sacrificial lamb’ lamang ng sindikato sa loob mismo ng kompanya?

Usap-usapan ng mga netizens sa social media ang ‘lifestyle’ nitong si Lopez. May lumabas na mga photos sa Facebook at Instagram ng bonggang pananamit kasama ng kanyang mga anak na babae with matching expensive branded bags.

Nababalitang nakapag-pundar na raw si Marivic ng chain of beauty salon sa prime locations sa Metro Manila. Siya ang itinuturong may-ari ng Menage Premier Salon na mayroon ng 5 branches.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng kliyente ng bangko na may open cre­dit facility na P25 billion matapos itong makatanggap ng liham kaugnay sa kanila umanong loan tran­saction na hindi naman nila totoong inutang sa bangko.

Paliwanag ni Atty. Irvin Garcia, hepe ng NBI-Anti Fraud Division, ang fictitious loan ay nagkakahalaga ng P900 million at P850 million na sina­sabing napunta rin sa account ng korporasyon.

Si Lopez ang sinasa­bing nasa likod ng pagproseso ng fictitious loan, siya ang may hawak sa mga malalaking kliyente kabilang na ang nagrekla­mong korporasyon. Dahil siya umano ang may kontrol sa credit at savings account ng kliyente, nagawa umano niyang maisakatuparan ang fictitious loan.

Bago tuluyang mawala ang tiwala ng mga depo­sitor, panawagan natin sa Bangko Sentral at NBI, imbestigahan ang kompanya ng Metrobank at iba pang matataas na opisyal nito.