Dear Kuya Rom,

Noong nakaraang taon, isang kaibigan ko na magaling sa fine arts ang lumapit sa akin. ­Enrollment ng anak niya at kulang ang pera nila, kaya nakiusap na pahiramin ko siya.

Siya ay nangangaila­ngan na dapat tulungan, kaya gumawa ako ng paraan. Ibinigay ko sa kanya ang wedding picture namin ng asawa ko, at pinaguhit ko sa kanya ito. Binigyan ko siya ng tsekeng nagkakahalaga ng P10,000.00 para sa painting.

Pagkalipas ng ilang buwan, natapos niya ang pinagawa ko. Maganda ang trabaho niya. Natuwa kami ng asawa ko.

Noong isang linggo, lumapit siya ulit sa akin. ­Enrollment na naman at nangangailangan siya ng pera. Sabi niya, hindi raw niya nagamit ang tsekeng ibinigay ko sa kanya noon, at sana raw bigyan ko siya ng bagong tsekeng bayad sa painting na ginawa niya. Sabi ko sa kanya, titingnan ko.

Isang tao ang nagsabing nanghihiram din sa ­kanya ng pera ang kaibigan ko. Pero hindi na raw niya ito pinahihiram dahil hindi naman nakakabayad.

Mukhang totoong gipit ang kaibigan ko. Naa­awa ako sa kanya. Kung totoong hindi niya nagamit ang tsekeng bigay ko sa kanya, ako ngayon ang may utang sa kanya. Pero hindi ako maluwag sa pera ngayon. Paano na ito? — Vic

Dear Vic,

Ingatan mo ang inyong pagkakaibigan. Madalas na nasisira ang pagkakabigan dahil sa pera, lalo na ang ­hiram na perang hindi nababayaran.

Ang tunay na magkaibigan ay talagang nagtutulungan. Tama ang paggawa mo ng isang paraan para matulungan mo siya noon.

Ngayon, para malaman mo ang nangyari sa tseke, pumunta ka sa bangko at alamin mo kung nagamit ng kaibigan mo ito o hindi. Kung nagamit ang tseke at na-encash ang halagang P10,000.00, maaaring ­hindi lamang niya naaalala ito o nagsisinungaling siya.

Kung cross check ang ibinigay mo sa kanya, siya lamang ang makakagamit nito. Kung hindi cross check ang naibigay mo, maaaring ginamit ito ng iba. Kung nagamit ang tseke ayon sa record ng bangko, sabihin mo ito sa kanya. Kaya hindi mo siya bibigyan ng bagong tseke. Kung sinungaling siya, patawarin mo siya.

Sa kabilang banda, kung totoong hindi niya naga­mit ang tseke, tama ka, ikaw ang may utang sa kanya. Mainam na bayaran mo siya. Kung hindi ka maluwag sa pera ngayon, sabihin mo rin ito sa kanya. Bigyan mo siya ng halagang kaya mo, at kumpletuhin mo ang bayad sa kanya kapag nakaluluwag ka na.

May puso kang mahabagin at matulungin. Kung mapa­raan ka naman, kaya mong bayaran ng lubos ang kaibigan mo para makatulong ka sa enrollment ng kanyang anak.

Ito ay isang pagsubok na mabuting malagpasan at mapagtagumpayan mo. Nakakapanghina ang ka­bi­gatang ganito. Kaya magandang manalangin ka sa Diyos at hingin mong bigyan ka ng karunungan at kalakasan.

Maging tapat sa paggawa ng mabuti at ikaw ay gagantimpalaan ng Diyos. May God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom