Ang ating salita para sa empleyado ng pamahalaan ay kawani, na pinaniniwalaang nagmula sa salitang ‘wani’ mula sa ating orihinal na wikang Austronesyano. Ang ibig sabihin, tumutulong at nagmamalasakit. Ito rin ang sinasabing pinagmulan ng salitang bayani.

Sa komunidad ng mga cultural worker, isang kawani ang nakilala sa bansag na ‘Misis’–si Mrs. Emelita Verano Almosara. Mula sa pagsali niya sa dating Natio­nal Historical Institute (NHI) noong 1975, 40 taon siyang naglingkod sa ating pamahalaan at umangat ‘from the ranks’. Kahit hindi siya historyador, mahalaga ang ginawa niya sa amin bilang isang ‘cultural manager’ na nagtagu­yod ng pagpapalaganap ng kasaysayan sa pamamagitan ng mga museo at iba pa. 16 na taon siyang Deputy Executive Director II ng NHI.

Ayon kay Alvin Alcid, pinuno ngayon ng Research and Publications Division ng ngayon ay NHCP, nakilala siya bilang natatanging ‘misis’ at wala nang iba pa dahil ang mga sumunod na mga naging boss nilang babae sa NHI halos ay walang mga asawa. Lagi raw siyang binibigyan ng mga challenging task ni Ma’am Mely at sinasabing “Paano mo malalaman na marunong kang lumangoy kung hindi ka ihahagis sa tubig?” Wala raw dapat pinapalampas na oportunidad o hamon. Ang kanyang motto, ‘carpe diem’ – seize the day.

Nakilala siya sa pagiging mahigpit at ­istrikta. Ayon nga kay Dr. Maris Diokno, dating tagapangulo ng NHCP, lagi siyang sumusunod kay Mely sa mga reglamentong ‘by the book’. Ngunit dagdag niya, kailangang makita na mula siya sa isang panahong mas pormal ang training ng mga lingkod-bayan. Laging presentable ang kanyang kasuotan at pino sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao.

Bago siya magretiro, nagkaroon siya ng pagkakataon na matamo ang isang napakataas na posisyon, ang pagiging Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts.

Matapos nito, ang istriktang administrador ay nagpokus sa kanyang paaralan, ang Concepcion Kids Lear­ning Center, kung saan nakilala siya bilang si ‘Teacher Mely’. Pero ‘di siya nawalan ng pinagkakaabalahan, kasama na ang President Elpidio Quirino Foundation at naging aktibo pa sa amin sa Philippine Historical Association. Nagpakita siya ng ma­tinding pagtitiwala sa kakayahan naming mas nakababata.

Kaya malungkot ang balita na binigay sa akin ng kasamang Jonathan Balsamo noong Agosto 11, 2018 na iniwan na tayo ni ‘Misis’ dahil sa cardiac arrest at breast cancer. Iniwan niya sa atin ang isang mabuting halimbawa ng propesyonalismo at kabutihang loob sa pamamahalang pangkultura. Ayon sa kanya, “­Culture and the arts serve as the moving spirit in nation-building.

They are important components required for any country to progress. As a catalyst, the role of arts and culture is to provide a means to uplift values and social ­transformation in our society.”

Paalam Ma’am Mely, ang natatangi at minamahal naming ‘Misis’, isang tunay na kawani ng bayan.