Kakatwa tayong mga Pilipino. Kapag nagsalita ng Filipino ang isang bata sa loob ng klase, tinatara ang bawat salita sa pisara at pinababayaran ito ng piso bawat salita. Dahil sa sobrang pagtanghal natin sa pagkatuto sa Ingles, tila ipinunla natin sa ating kabataan na isang krimen na mahalin ang sariling wika. Noong 1984, habang nasa Alemanya si Zeus A. Salazar ay nilapitan siya ng kaniyang estudyanteng si Nilo S. Ocampo sapagkat walang publisher sa Pilipinas na nais maglimbag ng kaniyang tesis na ‘Katutubo, Muslim, Kristyano: Palawan, 1621-1901’. Tanging mga Ingles na akda lamang ang nais nilang ilimbag at hindi maaaring ilimbag ang kay Ocampo dahil ito ay nakasulat sa wikang Filipino! Kaya itinatag ni Salazar ang Bahay Saliksikan ng Kasaysayan at inilimbag ang akda.
Ngayon, maunlad na ang diskursong akademiko sa wikang Filipino sa iba’t ibang paaralan at ang katibayan nito ay ang taunang mga lahok sa Gawad Julian Cruz Balmaseda para sa pinakamahusay na tesis at disertasyon na isinulat gamit ang wikang Filipino. Ang tesis ay kinakailangan upang matapos mo ang iyong masterado habang disertasyon naman para sa doktorado.
Apat na taon na akong kinukuhang hurado sa patimpalak ng Komisyon ng Wikang Filipino simula nang magsimula ito na isang malaking karangalan. Para sa taong 2018, kasama ko bilang hurado sina Dr. Marot Flores at Dr. Eli Guieb at ang pinagwagi namin para sa pinakamahusay na disertasyon ay si Emmanuel De Leon Catibog, para sa ‘Ang Intelektuwal na Pamana ng mga Tomasinong Pilosoper sa Kasaysayan ng Pampilosopiyang Filipino’. Pinili namin siya sa kaniyang pagpapakita ng hindi gaanong natatalakay na pagpupunyagi ng mga akademikong Tomasino sa pamimilosopiyang Filipino; Sa mahusay at lohikal na artikulasyon, pagkakasulat, at dokumentasyon ng akda; At sa pagiging huwaran sa pagsusulat ng talambuhay at institusyunal na kasaysayan gamit ang wikang Filipino.
Ipinangalan ang gawad kay Julian Cruz Balmaseda (1885-1947)—makata, mandudula, nobelista, dalubwika, iskolar, at kritiko na nakapagsulat ng tinatayang 820 tula, 44 dula, at 39 na katha—isa sa mga pangunahing makata ng ika-20 siglo.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang kaniyang salin sa Tagalog ng pambansang awit, ang ‘O Sintang Lupa’ ang pinagbatayan ng komite sa pagsasalin ng kasalukuyang bersyon ng ‘Lupang Hinirang’. Ang orihinal na bersyon ay ito: “O sintang lupa, Perlas ng Silanganan; Diwang apoy kang sa araw nagmula / Lupang magiliw, pugad ng kagitingan, Sa manlulupig di ka papaslang. / Sa iyong langit, simoy, parang dagat at kabundukan, Laganap ang tibok ng puso sa paglayang walang hanggan. / Sagisag ng watawat mong mahal ningning at tagumpay; Araw’t bituin niyang maalab sng s’yang lagi naming tanglaw./ Sa iyo Lupa ng ligaya’t pagsinta, tamis mabuhay na yakap mo, Datapwa’t langit ding kung ikaw ay apihin ay mamatay ng dahil sa ‘yo.”