Ang napipintong pagbabalik ni Jojo Binay sa Makati

Hindi pa man nagsisimula ang kampanya para sa mga lokal na posisyon, mukhang tapos na ang boksing sa Makati City kung saan ang dating mayor at Vice President Jejomar “Jojo” Binay ay liyamado na maging kongresista ng 1st District ng lungsod.

Ito’y matapos na ­lumipat ang ilang mga taga-suporta ni dating Makati City Vice Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. sa kampo ni reelectionist Mayor Abby Binay at ng kanyang amang si Jojo na kalaban ni Peña sa pagka-kongresista sa unang distrito.

Naging acting mayor ng Makati City si Kid Peña nang ipinag-utos na bumaba sa puwesto si Junjun Binay dahil sa kasong katiwalian na isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan noong 2015.

Natalo si Peña kay Abby Binay sa pagka-alkalde noong 2016 elections at sa dara­ting na Mayo 13 ay ang kapatid naman niyang si Junjun ang kanyang makakalaban sakaling hindi umatras ang na­kababatang kapatid.

Sa napipintong pagbabalik ni Jojo Binay sa Makati City bilang kongresista, marami na ang nagsasabi na posibleng contender ang dating bise presidente sa pagiging Speaker ng Mababang Kapulungan.

Hindi ito malayong mangyari dahil marami ring kaibigan at taga-suporta ang matandang Binay sa hanay ng mga kongresista lalu na noong panahong siya ang nangunguna sa pagiging presidential candidate.

Mukhang nagsisilbing inspirasyon sa mga kagaya ni Binay ang pagiging Speaker ni dating pangulong Gloria Macapagal-­Arroyo na bago makulong ay tumakbong kongresista sa Pampanga at naging lider pa ng Kamara sa kanyang huling termino bilang representante.

At sakali mang may mga kongresistang magtutulak kay Jojo ­Binay na maging Speaker, makakalaban niya ang dating senador at da­ting kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Alan Peter Caye­tano na nagba­balik-Kongreso bilang kinatawan ng 2nd District ng Taguig City.

Matatandaang si Senador Cayetano, kasama sina Senador Antonio Trillanes IV at Koko Pimentel, ang nanguna sa pagbanat kay Vice President ­Binay sa pamamagitan ng imbestigasyon sa mga tagong yaman nito sa sub-committee ng Senate Blue Ribbon Committee.

Matindi ang mga naging expose ni Caye­tano at Trillanes kay Binay na naging dahilan ng unti-unting pagbagsak ng kanyang numero sa mga survey at pagkatapos ng bilangan sa 2016 presidential elections ay pang-apat na lang ang bise presidente.

Pero dahil “demolition job” lang ang na­ging karakter ng Se­nate inquiry ay hindi nangyari ang gusto nina Cayateno na makulong si VP Binay at hindi tumayo ang kanyang plunder case sa Ombudsman.

Malamang na nga­yon pa lang ay kinaka­bahan na si Cayetano dahil baka maunsyami ang kanyang ambisyon na maging Speaker na siyang dahilan kung bakit siya nagbitiw bilang DFA secretary at ang dahilang ibinigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ay gusto ­niyang maging House Speaker.

Kung magkataon, makakabawi si Jojo ­Binay sa ginawa sa kanya ni Cayetano sa Senado sa pamamagitan ng pagkampanya laban sa pagiging Speaker ng dating DFA secretary at talunang running mate ni Pangulong Duterte. Abangan…