Ang pagbabalik

Antonio-Tinio-Kwintas-Klaras

Mula nang unang magpatupad ng mga lockdown at naghigpit sa internasyunal na paglalakbay ang maraming bansa sa buong daigdig bilang tugon sa pandemya ng COVID-19 noong Pebrero at Marso, tuloy-tuloy na ang pagbalik sa bansa ng mga overseas Filipino worker.

Ayon sa Malacañang, noong nakaraang linggo, umabot sa mahigit 27,000 ang OFW na pansamantalang naninirahan sa mga quarantine center, hotel, at barko upang palipasin ang 14 araw ng kuwarentina, sumailalim sa PCR testing para sa COVID-19, at hintayin ang kanilang medical clearance at iba pang papeles bago sila pauwiin sa kani-kanilang mga pamilya at tahanan.

Kinakailangang hakbang ang kuwarentina at testing para sa mga bumabalik na OFW (at maging iba pang manlalakbay galing sa bansa) upang mapigilan ang pag-import ng COVID-19.

Sa 22,432 OFW na sumailalim sa testing, 465 ang nagpositibo sa virus. Gayunman, idinaraing ng mga tinaguriang “bagong bayani” ang hindi kanais-nais na kalagayan sa ilang mga pasilidad na inilaan ng gobyerno para sa kanila. Higit pa rito, tumatagal nang labis pa sa 14 araw ang sapilitang kuwarentina, dulot ng kabagalan sa paglabas ng resulta ng testing at pagproseso sa kanilang mga papeles.

Sa kanilang pag-uwi, dinaranas ng maraming OFW ang pag-aatubiling tanggapin sila ng mga gobyernong lokal at diskriminasyon ng kanilang mga kababayan na nangangambang magdala sila ng virus sa komunidad. Kailangan pang ipaalala ng pambansang gobyerno na sumailalim na sila sa kuwarentina at testing at hindi dapat pigilang makauwi.

Mismong si Chief Implementer Carlito Galvez Jr., ng National Task Force on COVID-19, ang nagsabi na nagkukumahog ang administrasyon na magpalitaw ng sapat na bilang ng pasilidad upang masalo ang 42,000 OFW na babalik sa bansa sa susunod na dalawang buwan. Tinataya ng gobyerno na aabot sa 300,000 ang mga OFW na babalik sa Pilipinas sa buong 2020.

Walang kapantay ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya ng COVID-19. Mas malala pa umano ito kaysa sa Great Depression ng 1930s. Sa buong daigdig, nagsasara ang mga negosyo at nawawala ang mga trabaho sa mga sektor na nagbibigay ng empleyo sa mahigit 10 milyong OFW – kabilang ang shipping, tourism, manufacturing, services, atbp.

Bukod sa malaganap na pagkatanggal sa trabaho ng mga OFW na nasa abroad, dramatiko rin ang pagbasak ng bilang ng lumuluwas na may bagong kontrata. Kung dati, mahigit 4,000 kada araw ang lumilipad, ngayon, halos mabibilang sa daliri ang nakaaalis.

Ilang dekadang kinasangkapan ng gobyerno, mula panahon ni Marcos hanggang kay Duterte, ang labor export policy upang matugunan ang pangangailangan sa empleyo na hindi nito maibigay sa loob ng bansa. Uuwi ang mga bagong bayani upang dumagdag sa hanay ng milyun-milyong Pilipinong walang trabaho.

Malaking bahagi ng ekonomiya, mula sa mga mall na nagsulputan nang parang kabute sa bawat probinsya, pagpapatayo ng mga bagong bahay at condominium, tuition sa mga private school, atbp., ang nakasalalay sa dollar remittance na padala ng mga OFW sa kanilang mga pamilya, na umabot sa US$ 30 bilyong noong 2019.

Yayanigin ng exodus ng mga OFW pabalik ng bansa ang ating ekonomiya, politika, at buhay panlipunan.