Ang pagpapatawad ay pagsisimula

Dear Kuya Rom,

Itago mo ako sa ngalang Verna. Noong bata ako, malaki ang paghanga ko sa daddy ko.

Marami siyang kaibigan sa barangay namin. Sa isang eleksiyon, tumakbo siyang barangay captain. Kasama niya ako sa kampanya. Ang galing niyang magsalita. Naging popu­lar at nanalo. Kasama ako madalas sa mga pictures niya. Ipinagmamalaki ko siya.

Ako ay age 15 nang marinig kong nag-aaway ang parents ko. Sabi ng mommy ko, may babae si dadd­y. Nalaman ko ang katotohanan. Hindi ito ang unang pagtataksil niya.

Bumagsak ang mundo ko. Wasak ang paghanga ko kay daddy. Hindi pala totoo ang pagkatao niya. Lahat ay kasinungalingan.

Nagalit ako sa kanya. Nagrebelde ako. Huminto ako sa pag-aaral. Nakipagrelasyon ako sa iba’t ibang lalaki, hanggang nabuntis at nagkaanak. Naging­ single­ mother ako.

Binago ng anak ko ang buhay ko. Naging responsable ako. Naisip kong bumalik sa school.

Pinayagan ako ni mommy na mag-aral muli. Nagpatuloy kami sa aming buhay.

Ang pagtataksil ni daddy ay talagang masakit sa mommy ko at siya ay nakipaghiwalay.

Pagkaraan ng isang taon, bumalik si daddy at nagsama silang muli. Pero nagkasakit nang malubha si mommy. Nalagutan siya ng hininga sa tabi ni daddy.

Ako ay 30 na ngayon, and I’m trying to understand my father. Siya ay matalino at maraming gustong gawin. Sikat siya sa kanyang ginagawa. Maram­i siyang tagahanga, kasama ang mga babae. Parang ito ang dahilan kung bakit siya nakapagtaksil kay mommy.

Dahil sa kagagawan ni daddy, nasira ang aking buhay. Tinulungan ako ni mommy at naging maayo­s ang buhay ko. Maligaya na ako ngayon. May lalaking umiibig sa akin, at malapit na kaming ikasal.

Pero hindi ko magawang patawarin si daddy. Siya lang ang tatayong magulang ko sa kasal. Paano ko siya patatawarin? — Verna

Dear Verna,

Para sa isang taong nakakaranas ng kasikatan, ang paghanga ng maraming tao ay nakakalasing at nakakaadik. Ito ay maaaring pumasok sa ulo, makasira ng pag-iisip, lilikha ng kayabangan, at magtutulak para gumawa ng mali ang isang tao.

Tunay na pagsisisi lamang ang magpapabago sa taong nagkamali. Ito ang posibleng nangyari sa daddy­ mo, kaya’t bumalik siya sa mommy mo. Maaaring ina­min niya ang kanyang kasalanan, humingi siya ng tawad, at pinatawad siya ng mommy mo.

Tulad mo, nakita mo ang iyong pagkakamali, nagsisi ka, pinatawad ka ng mommy mo, pinatawad mo iyong sarili, naging responsable ka, at napaayos ang iyong buhay.

Huwag mo nang guluhin pa ito dahil sa hindi pagpapatawad. Hingin mo sa Diyos na bigyan ka ng lakas para patawarin ang iyong daddy. Ito ay susi sa pagsisimula ng bago at magandang yugto ng buhay ninyong mag-ama at inyong pamilya.

Verna, may karugtong ang payo sa iyo. Abangan. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom