Ang mga katagang ito ang paulit-ulit na nababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga talumpati sa iba’t ibang okasyon.
Pero unang-unang tumatak ito sa aking isipan sa kanyang inaugural speech noong Hunyo 30, 2016.
Inisip ko bilang isang Pangulo hindi maaaring ang gusto mo lang ang mangyari dahil ibinoto ka ng may 16 milyong Filipino. Ibig sabihin dapat ay pinapakinggan mo ang boses ng milyun-milyong nagluklok sa’yo sa poder at hindi sa kung ano ang gusto mong gawin sa buhay.
Subalit sa pagpapatuloy ng kanyang pamamahala bilang Pangulo ng bansa at pagpapatupad ng mga ipinangako niyang pagbabago para sa bayan kagaya ng paglaban sa iligal na droga at pagsugpo sa krimen ay angkop nga pala ang kanyang paboritong kataga ang “mind your work and I will mind mine” ay nakita ko ang importansiya ng kanyang mensahe na nararapat lamang pala upang makamit natin ang hinahangad nating pagbabago para sa ating bansa.
Tila nga yata sumobra ang pagtingin natin sa tinatamasa nating demokrasya kaya isang pagkakamali ng mga naging lider ng ating bansa ay ating binabatikos hanggang sa magpakababa sila at sumang-ayon sa gusto ng nakararami kahit sa totoo lang ay tama naman ang kanilang naging desisyon.
Sa pagkakataong ito na ramdam naman nating nasa tamang direksyon ang pamumuno ni Pangulong Duterte, wala na akong nakikitang masama sa kanyang mensaheng “mind your work and I will mind mine”.
Ibigay natin ang hinihingi ng Pangulo baka sakaling mas maging smooth ang ating magiging samahan at magiging madali para sa Pangulo na maisakatuparan ang mga inaasam nating magagandang bagay, pangyayari para sa ating bayan.
Sa maiksing panahon ng pamamahala ng Pangulo sa ating bansa ay ramdam naman ng marami at maging ng kanyang mga kritiko ang mga nangyayaring pagbabago, unang-una ay ang panunumbalik ng seguridad ng bawat isa dahil sa pagkawala ng mga masasamang elemento sa ating lipunan kaya malaya na tayong nakakapaglakad nang walang pangambang may aatakeng mga masasamang-loob na dati-rati ay nagkalat lamang sa ating komunidad.
Pero siyempre hindi tayo kuntento sa aspetong ito dahil bilang lider ay maraming dapat na tutukan ang isang Pangulo kagaya ng iba’t ibang polisiya na alam nating darating din tayo sa mga bagay na iyan sa mga susunod na araw.
Hindi naman maaaring sa isang iglap ay isang paraiso agad ang bubungad sa atin dahil ang lahat ng magagandang bagay ay pinaghihirapan at hindi ito kusang dumadating.
Kaya bakit hindi natin ibigay ang hinihingi ng Pangulo upang lalo siyang maging inspirado sa pagtupad sa kanyang tungkulin at makadiskarte siya nang tama para sa kapakanan ng sambayanang Filipino.