Sa mga panahon ng makasaysayang krisis, umaasa ang mga mamayan ng isang bansa na magmumula sa kanilang pinuno, maging presidente, punong ministro, o monarko man, ang kinakailangang talino, lakas, linaw ng pag-iisip, at malasakit, upang mapagkaisa ang sambayanan at mapangibabawan ang suliraning kinakaharap.
Ngayong binubuno ng halos lahat ng bansa sa buong planeta ang paglaganap ng pandemya ng COVID-19, umaani ng puri ang ilang mga pambansang lider bunga ng pagpapakita nila ng ganitong tipo ng pamumuno. Ilang halimbawa sina Lee Hsien Loong ng Singapore at Angela Merkel ng Germany dahil sa kanilang kalmado at propesyonal na mga talumpati para sa kanilang publiko, at si Justin Trudeau ng Canada na nagawang ipaliwanag sa loob ng dalawa’t kalahating minuto ang buong plano ng kanilang gubyerno para pigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Malinaw na hindi nabiyayaan ang Pilipinas ng ganitong tipo ng pinuno. Sa pamamagitan ng kanyang mga lingguhang talumpati para sa bayan, na kadalasang nagaganap nang mas malapit sa hatinggabi, nagdudulot si Pangulong Rodrigo Duterte ng higit na kalituhan, ligalig, pangamba, at `di pagkakaisa sa hanay ng mamamayan.
Hindi siya makaalpas sa kanyang estilong nakabatay sa pananakot, o “governance by death threat,” ang pag-ulit-ulit ng mensahe na “sumunod ka na lang; kung hindi, papatayin kita.” Patunay nito ang paghirang niya sa militar at pulis bilang pangunahing tagapagpatupad ng National Action Plan ng kanyang administrasyon, at ang napakalaking bilang ng mga nagugutom na maralitang hinuli at kinulong (nasa 21,196 na) sa halip na binigyan ng tulong.
Sa halip ipaliwanag kung ano ang mga hakbang pangkalusugan at pangkabuhayan na isinasagawa ng kanyang administrasyon upang masugpo ang banta ng COVID-19, ginagamit niya ang plataporma ng Presidente para insultuhin ang kanyang mga kalaban sa politika. Nalantad ang kanyang pagkamata-pobre nang inihalintulad si Atty. Chel Diokno sa isang janitor, at pinintasan pa ang ngipin ng human rights lawyer nang wari’y bully sa elementarya si Duterte. Pinagbantaan si Mayor Vico Sotto ng Pasig dahil umano sa labis na inisyatiba nito, samantalang tahimik sa tahasang paglabag sa quarantine ng kanyang alyadong si Sen. Koko Pimentel.
Higit sa lahat, nagbibitiw si Duterte ng mga pahayag na lumilikha ng kalituhan sa hanay ng sarili niyang administrasyon at pangamba sa hanay ng mamamayan. “Huwag kayong matakot, may pera ako,” sabi niya noong isang linggo. Ngayon: “Hindi ko alam kung kailan ako makahatid ng pagkain sa lahat. Hindi ko alam kung saan ako magkuha ng pera.” May kasama pang: “Papaano ang kain namin? Maghanap ka ng paraan.”
Mga kababayan…ang Panggulo ng Republika ng Pilipinas.