Ang papahiram mga test machine sa ibang team

Handang ipahiram ng San Miguel Corp. ang kanilang testing machines para sa iba pang teams sa PBA na magpapa-test sa Covid-19.

Sa pamamagitan ni SMC boss Ramon S. Ang, ang kumpanya rin ang nangasiwa sa testing ng 41 employees ng Commissioner’s Office noong Sabado.

Una nang ipina-test ng SMC ang players sa kanilang tatlong teams sa PBA. Negative lahat ang players ng San Miguel Beermen, Ginebra at Magnolia.

“For the other teams, San Miguel expressed readiness to extend help as they have machines and test kits,” ani chairman Ricky Vargas pagkatapos ng meeting ng board sa PBA office sa Libis, QC noong Miyerkoles.

Sa unang pagkakataon sapul nang mag-lockdown ang NCR dahil sa coronavirus noong second week ng March, ngayon lang ulit nag-meeting face-to-face ang board.

May sariling testing din ang teams na nasa ilalim ng Manny V. Pangilinan group.

Huwebes ay sumailalim sa test ang TNT, sumunod ang NLEX at Meralco. Ite-test ang Road Warriors at mga immediate families ng mga ito.

Sinabi ni commissioner Willie Marcial na hihingin ng liga ang approval ng Inter-Agency Task Force para ilatag ang unti-unting pagbabalik-training ng 12 PBA teams.

May protocols at guidelines na mahigpit na ipapatupad sa balik-workout, kabilang ang rapid testing at swab buwan-buwan.

Hanggang anim na katao – apat na players at dalawang trainers – lang din ang sabay-sabay na magwo-workout sa gym, walang shower. Pagkatapos ng workout, hubad ng damit ang players at diretso uwi na. (Vladi Eduarte)