‘Ang Probinsyano’ ni Coco, dadalirutin ang panggugulo ng mga REBELDE

CARDO, RICKY BOY at ALYANNA

PATULOY na tinatalakay ng ABS-CBN hit TV series na FPJ’s Ang Probinsyano ang mga napapanahong pangyayari sa buhay ng mga Pilipino sa ika­lawang yugto nito.

Pinagbibidahan ni Coco Martin, tuluy-tuloy ang panonood dito ng mga kababayan sa Pilipinas via ABS-CBN, at sa labas ng bansa via TFC sa key countries worldwide.

Matindi ang mga emosyong naramdaman sa mga pangyayari sa pagtatapos ng unang yugto ng programa.

Nariyan ang kasalan nina Cardo (Coco Martin) at Alyanna (Yassi Pressman).

Sinundan ito ng bakbakan nina Cardo at Joaquin (Arjo Atayde). Namatay si Joaquin at nakamit ni Cardo ang inaasam-asam na paghihiganti para sa pagkamatay ng kapatid na si Ador (Martin).

Sa bagong yugto ng FPJ’s Ang Probinsyano, ordinaryo ang pamumuhay ni Cardo kasama si Alyanna, ang anak nilang si Ricky Boy, Lola Flora (Susan Roces), at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.

Dalawang taon na siyang wala sa serbisyo bilang pulis at kuntento na sa pagiging jeepney driver, habang si Al­yanna ay balik-trabaho bilang reporter.

Ang kanilang payapang pamumuhay ay gagambalain ng mga rebeldeng nanggugulo sa Maynila, isa sa mga balitang sinusundan ni Alyanna, at dahilan ng madalas na pag-aalala ni Cardo.

May mga bagong miyembro ng cast sa ikalawang yugto ng programa, tulad nina Lito La­pid, Jhong Hila­rio,Yam Concepcion, Mercedes Cabral at Mark La­pid na kabilang sa mga rebelde.

Nandiyan din ang mga miyembro ng national defense na ginagampanan nina Angel Aquino, Sid Lucero at John Arcilla.

Bagong mga karakter ang makakasalamuha ng pamilya ni Cardo na gagampanan nina Pokwang, Mitch Valdez, Jeff Tam at PJ Endrinal.

Bahagi pa rin ng cast sina Eddie Garcia, Jaime Fabregas, Michael de Mesa, Julio Diaz, Jeric Raval, Jason Gainza, John Prats, Long Mejia, Malou Criso­logo, Marvin Yap, Mark Solis, John Medina, Les­ter Yansang, Michael Joy Jornales at ang mga child stars na sina James Sagarino, Rhian Lorraine Pineda, Shantel Ngujo at Awra Briguela.

Ano ang gagawin ni Cardo ngayong patuloy na nanggugulo ang mga rebelde?

Nag-aabang ng pagkakataon si Don Emilio (Garcia) upang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang apo na si Joaquin.

Maprotektahan kaya ni Cardo ang kanyang pamilya mula sa kapahamakan kahit pa hindi na siya pulis?

Huwag pa­lalampasin ang mga bagong pagsubok at pakikipagsapalaran ni Cardo!