BASE sa datos ng Kantar Media, siyam na Kapamilya programs ang pasok sa top ten na pinakapinanood na programa noong nakaraang buwan.
Nakakuha ang Kapamilya network ng average audience share na 43% mula sa urban at rural homes, kumpara sa GMA na mayroon lamang 34%.
Buong buwan pa ring namayagpag ang FPJ’s Ang Probinsyano matapos nitong makapagtala ng average national TV rating na 37.7%.
Patuloy na sinusubaybayan ang kuwento ni Cardo (Coco Martin) hindi lang dahil sa askyong dala nito tuwing gabi, kung hindi pati na rin aral na ibinabahagi nito sa mga manonood.
No wonder, extended ito hanggang 2018!
Kasama rin sa listahan ang The Voice Teens (35.5%) na bida ang boses ng kabataang Pinoy, Your Face Sounds Familiar Kids (34.5%), at ang mga kuwentong kinapupulutan ng aral sa Wansapanataym (32.6%).
Kinaantigan ang mga tunay na karanasan ng letter senders sa MMK (31.8%) na nagbibigay inspirasyon sa mga manonood.
Pasok din sa top 10 ang mga pampamilyang kuwento ng My Dear Heart (26.5%) at Home Sweetie Home (23.3%).
Patuloy na tinututukan ng mga manonood si Heart (Heart Ramos) sa paglaban sa kanyang sakit at sa pagtulong kay Dra. Margaret (Coney Reyes) na baguhin ang puso nito.
Sabay rito ang pagsubaybay ng mga manonood sa samahan ng mag-asawang sina Romeo (John Lloyd Cruz) at Julie (Toni Gonzaga) na nagsisilbing magandang halimbawa sa pamilyang Pilipino.
Sinubaybayan rin ang pag-uumpisa ng kuwento ng pag-abot ng pangarap, pag-ibig at pagkakaibigan sa Pusong Ligaw (17.9%). Makabagbag-damdamin ang naging pagtatapos ng afternoon series na The Greatest Love (14.4%) na nagpakita ng wagas na pagmamahal ng ina para sa anak.
Namayagpag din sa buong bansa ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks, partikular na sa primetime (6:00 PM-12:00 MN), kung saan nakapagtala ito ng average audience share na 49%, at tinalo ang 33% ng GMA.
Ang primetime block ang pinakaimportanteng parte ng araw kung kailan karamihan sa mga Pilipino ay nanonood ng telebisyon at inilalagay ng advertisers ang malaking parte ng kanilang investment upang makaabot sa mas maraming consumers.