Inulan ng tawag sa telepono at text mula sa aming mga taga-panood ang ating TV program na SERBISYO ALL ACCESS sa CNN Philippines nang maging panauhin natin ang Chairperson ng Civil Service Commission (CSC) na si Alicia Dela Rosa-Bala.
Dumagsa ang sumbong at reklamo sa mga tanggapan ng pamahalaan matapos muling ulitin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA ang kanyang marching order sa mga miyembro ng kanyang gabinite na pabilisin ang transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Chairperson Bala, mahigpit nilang ipatutupad ang Anti-Red Tape Act. Alinsunod sa Republic Act 9485, na mas kilala bilang “An Act to Improve Efficiency in the Delivery of Government Service to the Public by Reducing Bureaucratic Red Tape, Preventing Graft and Corruption and Providing Penalties Thereof” or the Anti-Red Tape Act of 2007, inoobliga ang lahat ng mga opisina ng ating pamahalaan na gumawa ng Citizen’s Charters at ilagay ito sa pintuan ng opisina o lugar na madaling mabasa ng kanilang mga kliyente.
Upang lubos na maipatupad ang batas na ito, ang komisyon ng serbisyo sibil ay nagpatupad ng tinatawag na Anti-Red Tape Act-Report Card Survey (ARTA-RCS) upang malaman kung sinusunod ng mga ahensiya ng gobyerno ang nasabing batas.
Ayon pa kay Bala, paraan ito upang makakuha ng feedback kung gaano kaepektibong nasusunod ng ahensiya ang mga probisyon ng kanilang Citizen’s Charter na ipinaiiral, mabigyan ng tamang impormasyon o estimates ng mga bayarin ang kliyente sa pamamagitan ng paglalagay ng frontline services at mabigyan ng grado ang ahensiya kaugnay ng kanilang pagtugon sa mga idinudulog sa kanilang tanggapan/opisina.
Layunin din daw nito na maiwasan ang anumang pag-abuso ng mga tauhan ng isang opisina at tuluyang mawakasan na ang panunuhol sa mga fixers. Sa pamamagitan rin ng paglalagay ng public assistance and complaints desks (PACD) sa bawat ahensiya tuluyan na ring mawawala ang iligal na mga aktibidadad ng mga abusadong empleyado.
Ang anumang resulta ng Report Card Survey ay magagamit ng ahensiya para mapaunlad ang kanilang Citizen’s Charter o frontline services, Ang proseso o transaksyon sa pagitan ng kliyente at ng tanggapan o ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa aplikasyon hinggil sa prebilehiyo, karapatan, permiso, pabuya, lisensya, konsesyon o at kahit anong para sa modipikasyon, renewal o pagpapalawig ng anumang nabanggit na aplikasyon o hinihinging dokumento ay naasikaso ng tanggapan ayon sa itinakda ng proseso.
Pangako ng Duterte administration, kung dati-rati ay inaabot ng buwan ang paglalakad ng mga papeles ng ating mga kababayan sa iba’t ibang tanggapan ay mas paiiksiin ito ng 72-oras o katumbas ng tatlong araw.
Dahil sa mas pinaiksing panahon ng transaksyon ay maraming oras, panahon at salapi ang matitipid ng mga kababayan nating magtutungo sa mga tanggapan ng gobyerno.
Dahil mababawasan na ang oras at gastos sa paglalakad sa mga kailangan sa gobyerno ay magiging higit tayong produktibo at magagamit na natin ang masosobrang panahon sa iba pang kapaki-pakinabang na mga gawain.
Atin nga pong obserbahan kung magaganap na nga ang tunay na serbisyo-publiko ng mga nasa gobyerno? Aba eh, ito naman talaga ang kanilang papel na maglingkod sa taumbayan para tumbasan ang bawat sentimo ng kanilang sinasahod na mula naman sa buwis na ibinabayad ng ating mga kababayan.
Ang red tape ay ang tawag sa labis-labis na mga regulasyon, mga dokumentong dapat isulat, at mga alituntunin na dapat sundin na nagiging sagabal bago makakuha ng desisyon o aksyon. Ito ay sanhi ng bureaucracy.
Ang red tape ay hindi lamang applicable sa gobyerno ngunit sa mga malalaking korporasyon at ibang malaking organisasyon.