Dear Dream Catcher:

Napanaginipan kong kasama ko raw ang classmate ko nu’ng elementary tapos biglang nanigas ang kamay ko pero ayaw na raw niya ako hawakan. Tapos pauwi na ako ng bahay nang makasalubong ang tita ko na kapatid naman ng tatay ko. May samaan kami ng loob (in real life) tapos nagbilin siya ng pera! Nasa bahay na ako kasama ang kapatid kong lalaki nang biglang may lumabas sa ilalim ng upuan na lalaking may hawak na kutsilyo tinaga niya sa leeg ang kapatid ko. Ako ay sa likod tinaga. Doon na ako ginising ng tatay ko. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Lhen

Lhen:

Ang iyong panaginip ay indikasyon na may pinagdaraanan kang matinding stress at nagsama-sama na ang lahat ng alalahanin mo pati na ang away mo sa iyong tiyahin.

Sa iyong panaginip, ang mga nakita mo ay ang tita, ang iyong kapatid na lalaki at sila ay bahagi ng iyong pamilya. Ang panaginip tungkol sa pamilya ay kadalasang konektado sa isang namumuong samaan ng loob. Sa iyong kaso, nangyari na ang samaan ng loob—sa pagitan mo at ng iyong tita.

Ang ganitong panaginip ay indikasyon na sa anumang pinagdaraanan mong sitwasyon, naroon ang iyong kagustuhang protektahan ang iyong sarili.

Sa iyong panaginip, una mong nakasama ang isang kaklase mo nu’ng elementary at sinabi mong nang manigas ang iyong kamay na maaa­ring tulad ng isang seizure ay hindi ka niya hinawakan, hindi ka niya tinulungan. Nagpapakita lamang ito na naghahanap ka ng karamay sa anumang pinagdaraanan mo.

Ang taong nanaksak sa iyo at sa iyong ka­patid ay sumisimbolo naman sa anumang problemang pinagdaraanan mo. Hindi naman ito indikasyon na nanganganib nga ang buhay mo sa halip ay may pinagdaraanan ka lamang sitwas­yon kung saan tinatalo ka ng iyong emosyon.

Pag-aralan kung ano itong nakakagulo sa iyong isipan.

Magpakatatag at alalahaning lahat ng pinagdaraanan natin ay weder-weder lang!

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng a­ting panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.