Negatibo lahat ang pamilya ng San Miguel Corporation (SMC) sa coronavirus disease 2019.
Lumabas ito kamakalawa mula sa swab tests na isinagawa sa mga player at official ng Barangay Ginebra, Magnolia, at San Miguel Beer.
Ang tests ay isinagawa sa nakaraang linggo sa inisyatiba ni SMC Vice Chairman, President at Chief Operating Officer (COO) Ramon S. Ang.
“We are happy to report that all of our basketball players tested negative from the virus,” ani Ang.
Nabunutan ng tinik ang isa mga player ng SMC na si Magnolia veteran guard Mark Barroca.
“Kinakabahan papunta ng ospital and kinakabahan (sa procedure) kasi first time ko lang ma-test,” aniya. “Masaya kasi nakita ko yung teammates ko at mga iba pang PBA players.”
Matapos ang test sa tatlong ballclubs, nag-alok din ang SMC sa pamamagitan ni Ang, sa lahat ng 41 personnel ng PBA na sumailalim sa Covid-19 testing.
Sina PBA Commissioner Willie Marcial at ilang bumubuo sa league staff ang mga sumailalim na sa testing Sabado.
Magpapasuri rin ang tatlong koponan sa ilalim ng corporate rival nito na Manuel V. Pangilinan group para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga players, coaches, at officials mula sa pandemic.
Ang Meralco ang unang sumailalim sa proseso noong Lunes habang nakatakda ang iba pa sa Huwebes. (Lito Oredo)