Angara gumaling sa anti- HIV, malaria drug

“Gusto kong pagbutihan pa itong susunod na kabanata ng aking buhay”.

Ito ang ihihayag ni Senador Sonny Angara, isang linggo matapos makarekober sa sakit na COVID-19.

“At a personal level, feeling ko, pinagbigyan ako ng Diyos muli ng isa pang tsansa. Sana, mas matindi yung maibibigay kong serbisyo sa publiko,” pahayag pa ni Angara sa panayam sa DZBB.

Idinatalye din ng senador ang kanyang pinagdaanan mula nang magpositibo sa naturang virus noong Marso 26 hanggang sa gumaling na ito noong Abril 6.

Ayon kay Angara, Marso 15 siya nagpa-COVID test subalit bago pa ito, naramdaman na niya ang ilang sintomas na nasabing sakit.

“Pakiramdam ko talaga, meron na talaga ako dahil kapag nagbabasa ka ng mga sintomas nung virus, parang halos lahat, nakuha ko,” lahad ni Angara.

“Yung may lagnat ka, masakit ang pangangatawan, tapos may sore throat, may ubo, halos lahat, nagkaroon ako,” sambit pa nito.

At nang lumabas ang resulta ng pagsusuri noong Marso 26, lumipas pa aniya ang dalawang araw bago siya nagdesisyong magpa-confine sa ospital.

“Siguro mga two days before, nagpa-confine na ako. Mga 28 pa ako pumasok, mga ganun. March 28, pumasok ako ng ospital,” kuwento pa ng mambabatas.

Ayon pa kay Angara, nagtataka siya kung bakit siya pa ang tinamaan gayong ‘sporty’ at malakas naman ang kanyang pangangatawan ng oras na iyon.

“Napaisip ako ng ganun dahil si Sen. Migz, na-diagnosed before me, Sen. Koko. At pareho silang asymptomatic. Ako lang yung symptomatic. Although later, sabi ni Sen. Koko, sumama rin yung pakiramdam niya,” sabi ni Angara.

“And Sen. Migz, for example, walang sintomas, hindi naman masyadong nagkasakit. Parang ako yung pinakamasamang tinamaan. Nagtataka nga ako kasi medyo sporty naman, naglalaro nga ng basketball,” wika pa nito.

Ibinahagi pa ng senador ang kanyang karanasaan sa apat na araw nang kanyang pananatili sa emergency room sa isang ospital sa Makati.

Pagkaalala umano niya, malalakas na gamot ang pinasok sa mga doktor sa kanyang katawan tulad mga gamot na ginagamit sa malaria, lupus at HIV.

“Ang ibinigay sa akin, yung hydroxychloroquine…yan daw ay pini-prescribe sa paggamot sa malaria at sa lupus. So kilala ng mga pasyente rito yan. Malakas talaga sya,” sambit ni Angara.

“Tapos yung isa namam, pang-HIV yun, Lopinavir and Ritonavir, yun ay mga gamot na ibinibigay sa mga HIV patient. Parang anti-viral din siya. Tapos yung – may isang antibiotic, I’m not sure kung — I forgot the name — tapos may mga vitamin na na-prescribe din,” saad pa nito.

Kuwento pa nito, noong unang araw niya sa ospital ay hindi siya makakain kaya bahagya umanong bumagsak ang kanyang katawan.

“Medyo kasi nung unang mga araw, di ako makakain. May feeling na parang nasusuka ka kahit iinom ka lang ng tubig, parang nasusuka ka kaya medyo pumayat ako. Nabawasan ang timbang ko. Pero ngayon, nabalik ko yung aking appetite, mas kumakain na tayo ngayon,” ayon sa senador.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni Angara sa mga doktor at mga nurse na nag-alaga sa kanya hanggang sa tuluyan na isyang gumaling sa coronavirus.

“Definitely, maa-appreciate mo yung magagaling at magigiting nating mga doktor at nurses,” sabi pa ni Angara.

Samantala, inihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na negatibo na siya sa novel coronavirus (COVID-19).

Ito’y matapos niyang matanggap ang kanyang pangalawang negative result mula sa Makati City health office nitong Linggo.

“Today we celebrate Easter Sunday as the resurrection of our Lord Jesus Christ. As a day of Thanksgiving I would also like to thank God and our Lord for a second chance in my life by healing me from Covid 19,” pahayag ni Zubiri sa isang statement.

“Just received the happiest news ever of my second negative result from the Makati City health office. Which is a requirement for all Covid positive patients to be considered recovered,” dagdag pa nito.

Bago lumabas ang ikalawang negative test ni Zubiri, nagnegatibo din siya sa unang pagsusuri na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Pinasalamatan naman ng senador ang mga doktor na nag-alaga sa kanya sa panahon ng kanyang pakikidigma sa naturang virus.

“Thank you so much Dr. Paz Corrales of the DOH and Ma’am Wheng of the Makati City Health for taking care of me. God bless us and protect us all from this deadly Virus,” sabi ni Zubiri na naghayag noong Marso 16 na nagpositibo siya sa coronovirus.

Si Zubiri ang ikalawang senador na nag-negatibo na sa COVID-19 matapos si Senador Sonny Angara. Samantala, walang pang impormasyon kung muling nagpa-COVID test si Senador Aquilino `Koko’ Pimentel III. (Dindo Matining)