Hinimok ni reelectionist Senator Sonny ­Angara ang mga overseas Filipino worker (OFW) at ang kanilang pamilya na samantalahin ang mga benepisyo at serbisyo sa ilalim ng bagong batas na nagpatibay sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay Angara, nakasaad sa Republic Act No. 10801 o OWWA Act of 2016 ang mga benepisyo at serbisyong nakalaan para sa mga OFW katulad ng loan and credit assistance, at health care, na pinondohan galing sa $25 membership fee na kinokolekta ng ahensya mula sa mga land-based at sea-based OFW kada dalawang taon.

“Huwag sanang mag-alinlangan ang ating mga kababayang OFW dahil ang mga benepisyong ito ay nanggaling mismo sa kanilang bulsa kaya marapat lamang na sila ay makinabang dito lalo na sa panahong kaila­ngan nila ang tulong,” sabi ni Angara.

Isa si Angara sa may-akda at sponsor ng OWWA Act of 2016 bilang chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources ­development.

Sa ilalim ng nasabing batas, inaatasan ang OWWA na pagkalooban ng mga benepisyo at serbisyo ang kanilang mga miyembro tulad ng gender-responsive reintegration programs, repatriation assistance, loan and credit assistance, on-site worker assistance, death and disability benefits, health care benefits, education and skills training, social services, at family welfare assistance.

Dinagdagan din ang representasyon ng mga OFW sa OWWA Board of Trustees na mula sa kasalukuyang tatlo ay ginawang lima habang binawasan naman ang kinatawan ng gobyerno na mula pito ay anim na lamang.

“Sa ilalim ng bagong batas, represented ang ating OFWs. And that’s the essence of demo­cracy. Kung sino ‘yung mas dapat na nairere­presenta, ‘yun dapat ang may boses sa isang organisasyon,” sabi ni ­Angara.