Niratipikahan ng Senado nitong Huwebes ang bicameral report tungkol sa tax amnesty bill at pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan upang maisabatas.

Ang panukala, na inisponsor ni Senador Sonny Angara bilang chairman ng Senate committee on ways and means, ay magbibigay ng pagkakataon sa mga hindi nakapagbayad ng buwis noong 2017 at nakalipas na taon na maayos ang kanilang pagkakautang sa buwis, kabilang na dito ang mga estate tax, general tax at delinquent account.

Umaasa ang gobyerno na makakalikom ng P41 bilyon sa tax amnesty program na magagamit para sa mahahalagang infrastructure project at social mitigating measures sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ilalaan dito ang P500 milyon para sa pagtatayo ng tax database.

“This is but another step in the long quest toward an efficient and equitable tax system,” ayon kay Angara.