Angas ni Blakey bitin pa rin sa Blackwater

Mga laro ngayon: (Ynares Center, Antipolo)
4:30 pm – Blackwater vs. NorthPort
6:45 pm – Columbian vs. TNT
Coca-Cola Arena (Dubai)
6:00 pm (10:00pm, Manila time) – NLEX vs. Ginebra

Totoo sa kanyang sinabi tapos matambakan ang Blackwater sa TNT 135-107 noong Sept. 25, bumawi si Marqus Blakely sa sumunod na laro ng Elite.

Pero sa kabila ng maangas na 18 points, 16 rebounds, 8 assists, 4 steals at 5 blocks ng dating Best Import, sadsad pa rin ang Blackwater sa NLEX 115-109 sa Laguna.

Tuloy, nabaon ang Elite sa 0-2 sa PBA Governors Cup.

Hahabulin ng hukbo ni coch Aris Dimaunahan ang unang ‘W’ kontra maangas ding NorthPort Batang Pier sa isa pang out-of-town game mamaya sa Ynares Center sa Antipolo.

Laban sa KaTropa, nalimitahan si Blakely sa career-low 4 points, 4 rebounds, 5 assists at may 5 turnovers pa. Binagabag daw siya ng cramps noon, halos ‘di na naglaro sa buong second half.

Nakipagsagutan ang Elite sa Road Warriors sa shootout mula long range, naubusan lang sa dulo.

Katunayan, ang 37 combined 3-pointers made ng dalawang teams ay PBA all-time record na – binura ang dating 35 ng TNT (19) at San Miguel Beer (16) sa Commissioner’s Cup nitong June 8 na pinanalo ng KaTropa 110-97 sa Antipolo.

Naglista ng tig-anim sina Bobby Ray Parks, Jr. at Paul Desiderio sa 19 3s ng Blackwater, kapantay ng kanilang franchise record.

Tumipa si Parks ng 28 points sa shootout kay Kiefer Ravena ng NLEX. Laban sa TNT ay pasabog si Parks ng career-high 39 markers.

Nitong Linggo rin, naghulma ng career-high 24 points si Desiderio mula 9 of 13 field goal shooting.

Mapapalaban ang tatlo kina Robert Bolick, Mychal Ammons at Kevin Ferrer na bumubuhat sa atake ng Batang Pier. (VE)