Angas ni Marcio nagbalik

BUMALIK na rin ang ritmo ni Marcio Lassiter, pumasok na ang mga tira sa Game 2 ng PBA Philippine Cup Finals.

Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, naka-15 points si Lassiter para tulungan ang San Miguel Beer sa 108-101 panalo kontra Magnolia Hotshots.
Mag-aagawan sa trangko ang magkatunggali sa balik ng Game 3 sa Big Dome din mamaya.

Galing back injury si Lassiter, hindi nakalaro sa Games 3 at 4 ng semifinals kontra Phoenix. Sa opener ng championship round, 0 of 8 siya mula field at tumukod ang Beermen sa Hotshots 99-94.

Bounce back siya sa Game 2 kahit 4 of 13 lang mula sa field at 2 for 9 sa 3-point range at 5 of 6 sa free throws sa loob ng higit 30 minutes.

“In the first half, I wasn’t as aggressive. I think it was maybe because of the fouls,” ani Super Marcio, maagang natawagan ng tatlong fouls. “In the second half, I was able to get more aggressive and look for my shots and they were able to come down in the end.”

Nag-rally ang Hotshots sa final 5 ½ minutes, mula 100-81 deficit ay nagawang dumikit 103-92 pero nagbaon ng pamatay-sunog na 3 si Lassiter 1:44 sa orasan.

“It’s a confidence-booster,” wika ni Lassiter sa kanyang late 3. “I’m just hoping to build upon that and get some more good looks.” (Vladi Eduarte)