Isang malaking aktibidad ang magaganap sa darating na Linggo para sa mga komunidad ng eSports sa bansa.
Hindi inihayag sa inyong lingkod ang mga detalye sa magaganap na malaking kaganapan na gagawin sa Marriot Hotel subalit mapalad tayo na isa sa mga naimbitahan upang makasama sa mga maging saksi sa paglulunsad ng pinakamalaking aktibidad na isasagawa sa ating bansa sa susunod na mga taon.
Hindi lamang para sa gaganaping 30th Southeast Asian Games sa 2019 sa bansa ang tutukuyin sa gagawin na paglunsad kundi pati na rin ang mga malalaking torneo na nakahandang paglabanan mismo ng ating mga eGamers kundi pati na rin mga dayuhang koponan na inaasahang makikipag-agawan sa korona sa iba’t ibang mga laro.
Inaasahan ang aktibidad na tuluyang makapaglunsad sa Pilipinas bilang isa sa pangunahing destinasyon ng kinahihiligan na mga laro sa internet na dinadayo ng hindi lamang libo kundi milyon na mga nagsisipaglaro.
Matatandaan na una nang nag-host ang Pilipinas sa dalawa sa mga pinakamalaki at pinakamayaman sa nakatayang premyo noong 2016 na internasyonal na dalawang Dota 2 na ESL One Manila at ang Manila Major na kapwa naging matagumpay sa dami ng mga dumalo.
Isinagawa din sa Pilipinas ngayong taon ang isa sa pinagkakaguluhan na torneo na tinagurian na The International na torneo sa Dota 2 bagaman hindi nakumpleto ang mga inimbitahang pinakamagagaling na manlalaro dahil na din sa ipinaiiral na mga batas sa ating bansa.
Iba’t ibang torneo na din ang isinasagawa sa bansa bilang kuwalipikasyon sa malalaking labanan sa labas ng bansa sa digital games kaya asahan natin ang mga magaganap na matitinding labanan sa susunod na mga buwan.
Ngayon pa lamang ay nakatuon na ang kolum na ito para abangan ang sunod na kaganapan sa eSports sa bansa.
Hangad din ng kolum na ito na maging parte sa mga grupo sa eSports na nagsasagawa ng kani-kanilang mga torneo para mailathala at maibahagi sa lahat ng ating kasama sa komunidad na nahihilig sa eSports. Ipadala po lamang ang detalye ng inyong mga torneo sa litooredo@outlook.com o kaya sa litooredo@yahoo.com para ating maisulat.