Angel ‘di nangampanya laban kay Duterte

Sa kabila ng magagandang ginagawa ni Angel Locsin ay kung anu-ano pang pangalan ang ikinakapit sa kanya ngayon.

Mula’t mula raw naman ay pro-NPA na ang aktres, may tumatawag din sa kanya ng terorista, ganu’n pa ba naman ang matatanggap na premyo ni Angel sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtulong sa mga kababayan natin ang ipinamamalas niya?

Nakakalungkot lang ang ganu’n dahil hindi naman lahat ng mga personalidad ay mulat sa pag-ayuda sa mga nangangailangan. Bibihira lang ang ganu’n at isa si Angel Locsin sa mga artistang hindi nagsasayang ng panahon at pagkakataong makatulong siya.

Kung saan-saang lugar ng bansa siya nakararating para sa pamamahagi ng tulong, sarili niyang pera at halagang ipinagkakatiwala sa kanya ng mga pangunahing produktong kailangan ng mga nabibiktima ng kalamidad, hindi naman ipinanganganak palagi ang tulad ng aktres na may magandang puso.

Nakakalungkot ding isipin na sa bansang ito, kapag pinuna mo ang kakapusan ng ating pamahalaan, ay babansagan ka nang terorista at komunista.

Kalaban na agad ang turing sa iyo samantalang ginagamit mo lang naman ang iyong karapatang magpahayag bilang isang Pilipino. Para naman sa mas nakararami ang kanyang pamununa at hindi naman siya nang-eengganyo ng mga kababayan natin para lumaban sa gobyerno.

Kamag-anak kasi ni Angel Locsin ang pulitikong palaging pumupuna sa ating gobyerno, si Party List Congressman Neri Colmenares, ‘yun siguro ang dahilan ng pagtawag sa kanya bilang tagasuporta ng NPA mula pa nu’n.

Kung para naman sa mayorya ang pagkilos ay walang masama, kailan pa naging krimen ang pagtulong sa mga nangangailangan, nakaposisyon man sa pamahalaan o hindi ang tumutulong sa ating mga kababayan ay isang dakilang aksiyon.

Mga artista ng ‘Ang Probinsyano’ ikukulong

Sa pagbabalik ng Ang Probinsyano ay parang naulit ang pagla-lockdown para sa mga artista ng seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin.

Isa-dalawang buwan kasi silang walang uwian, nasa isang komunidad lang sila kung saan kukunan ang mga eksena ng serye, kaya panibagong quarantine ang kanilang pagdadaanan.

Para sa mga artista ng palabas ay walang problema ‘yun, mas maganda na nga namang may trabaho sila kesa sa nakatengga lang, napakabilis naman ng mga araw kaya hindi sila maiinip.

Nalulungkot lang ang mga kababayan nating dati nang sumusuporta sa serye, lalo na ang mula sa mga probinsiya, dahil habang nakasarado pa ang ABS-CBN ay sa Kapamilya channel muna ‘yun mapapanood na kailangan pa nilang magbayad.

Ngayon nila mas nararamdaman ang pagkakasarado ng network, maraming programang inaabangan nila ang hindi na nila natututukan ngayon, hiling ng mga ito na sana’y maresolbahan na ang problema ng istasyon.

Aktor sinisi na ‘di nag-ober da bakod sa GMA

Kung malaking kawalan ang ganitong sitwasyon para sa ating mga kababayan ay mas malaking problema para sa mga empleyado at artista ng ABS-CBN ang pagkawala sa himpapawid ng kanilang istasyon.

Sabi nga ng isang male personality sa kanyang kaibigan mula sa GMA-7, “Buti pa nga kayo, bukas ang network n’yo. Anytime na puwede na kayong mag-work uli, meron kayong siguradong pagkakakitaan.

“E, kami, hanggang walang nakukuhang franchise ang network namin, wala kaming trabaho, walang kita, nganga,” sabi nito sa kanyang kaibigang aktor.

Sagot ng taga-GMA-7, “Ikaw kasi, nu’n pa kita sinasabihang lumipat ka na, hindi mo pa ginawa, ayan tuloy!”