REUNION ng ChardGel loveteam nina Angel Locsin at Richard Gutierrez ang magaganap sa La Luna Sangre ng ABS-CBN.

Muling gumaganap si Angel bilang si Lia (ang taong lobo na una niyang ginampanan sa Lobo at Imortal) habang si Ri­chard ang hari ng mga bampira na si Sandrino.

Hindi ganu’n kahaba ang role ni Angel dito, na sa pilot week lang mapapanood kasama si John Lloyd Cruz bilang asawa nitong si Mateo, pero si Richard ay mahaba ang role bilang main kontrabida.

Happy si Angel na after 10 years ay nakatrabaho niya ulit si Chard na dati niyang ka-loveteam sa GMA at sa mga pelikula ng Regal Films noon.

Ani Angel, kung ano ang excitement ng mga tao na mapanood sila ni Chard ay doble ‘yung excitement niya.

“Kasi, kasabayan ko si Chard. ‘Yung nuances niya, halos memorized ko na. Gusto kong makita kung papano siya nag-grow din as an actor.

“Kasi, 10 years eh. 10 years kaming hindi nagsama. Pero nu’ng magkita kami ulit, parang hindi naman nakalipas ‘yung sampung taon.

“Nandu’n pa rin naman ‘yung chemistry namin, I believe naman,” masayang bulalas ni Gel.

Huling nagkasama ang ChardGel sa pelikulang The Promise.

***

Ang bagong Kapamil­ya na si Richard ay kita mo ring excited sa bago nitong tahanan.

“Siyempre, masaya po ako at napasama ako sa ganitong klaseng project bilang first time ko rito sa ABS-CBN.

“Napakagandang project, kasama ko mga bigating artista at talagang mahuhusay na direktor.

“So, I’m just very happy and very honored to be able to be here today.”

Dagdag pa ni Chard tungkol sa pagtanggap niya ng La Luna Sangre na pagbibidahan ng KathNiel, “When a project like this comes along and you are challenged as an actor and I see this as a potential for me to grow as an actor, I will truly accept it.

“To be in the number one network right now, to be in a big show like this and to be challenged, I accept the challenge.”

Kung matagal na napahinga si Chard at panay si Sarah Lahbati at anak nilang si Zion ang inatupag, ngayon ay bigla siyang naging sobrang busy.

Bukod sa teleserye ay may gagawin pa siyang pelikula kasabay nito.

Sey ni Chard, hindi rin niya alam kung paano, pero siguradong la­lagare siya sa dalawang proyekto.

Basta happy siya na makakatrabaho niya ulit si Angel at gagawa sila ng pelikula sa Star Cinema. Very excited siya sa pro­ject na ‘yon (with Angelica Panganiban).

Kaya kahit pa raw walang tulog ay kakayanin niya.

Napagdaanan niya dati ‘yung gano’n na may teleserye siya at may nilalagareng pelikula, so kailangan niya lang ibalik ‘yung lifestyle niya dati.

Si Angel ay wala munang teleserye. Priority nilang matapos ang pelikula dahil may playdate nang sinasabi sa kanila.

Wife, Husband, Wife ang working title ng mo­vie na ididirek ni Nuel Naval.

Sa June 19 ang simula ng La Luna Sangre sa Kapamilya Primetime Bida kapalit ng My Dear Heart.