Taping day ng “The General’s Daughter” kahapon pero wala silang taping sa hindi malinaw na dahilan.
Totoo bang kakausapin pa ng mga bossing ng Dreamscape ang bida ng “The General’s Daughter” na si Angel Locsin kaya wala muna silang taping? Nu’ng Biyernes kasi nang umaga ay nag-walkout si Angel sa set ng nasabing Kapamilya primetime series.
Hindi pa rin malinaw kung anong dahilan ng pagwo-walkout ni Angel, na ang huling sinabi raw ay, “I can’t do this!” bago nito inimpake ang mga gamit nito at biglang umalis sa taping.
Ang isang narinig namin ay si JC de Vera raw ang kaeksena ni Angel bago ito nag-walkout, pero may nagsabi ring hindi si JC at wala raw itong kinalaman sa walkout.
Ang unang theory ay baka may kaugnayan daw ang pagwo-walkout ni Angel sa direktor nilang si Manny Palo na diumano ay mahilig sumigaw at magmura sa set.
Baka raw hindi na natagalan ng aktres ang ugali na ‘yon ni Direk Manny.
Kaya lang ay may narinig din kaming pagtatanggol kay Direk Manny, na ang sabi ay wala raw itong problema sa mga artista at kilala ito sa pagiging tahimik at mabait.
Totoong minsan ay nagagalit din daw si Direk Manny at nasisigawan ang staff nito at iba pang mga tao sa taping, pero never daw ‘yung mga artista nito. At hanggang sigaw lang daw si direk, hindi ito nagmumura.
Ang isa pang version na narinig namin, madalas daw kasi ay doon na lang sa set sa mismong araw ng taping dumarating ang script ng mga artista ng “The General’s Daughter.”
Eh si Angel daw ang tipo ng artista na ang gusto ay nasa kanya ang script earlier para name-memorize niya nang husto ang kanyang mga linya.
May mga pagkakataon daw na nasa set na ang cast ay wala pang script at binabato na lang sa assistant director ang mga dayalog ng mga artista.
Hindi na ba kinaya ni Angel ang ganu’ng sistema kaya nilayasan niya ang taping?
Pero kung totoong may problema nga silang gano’n, bakit hindi muna kinausap ni Angel ang mga taong involved para nasolusyonan at nagawan ito ng aksyon?
Sapat na bang dahilan ‘yon para mag-walk out siya at iwanan ang trabaho?
Sa pagkakakilala namin kay Angel ay professional siyang artista at hindi niya ugaling mambitin o mang-iwan sa ere ng mga katrabaho. First time ito na nasangkot siya sa walkout issue.
Meron kaming ilang napagtanungan na ayaw magsalita at ayaw ring mag-usisa dahil mahirap na raw masangkot pa sa gusot na ito.
Totoo nga naman na si Angel mismo ang dapat tanungin kung anong nangyari, pero magsalita naman kaya ang aktres?
Sa Miyerkoles ulit ang regular taping sked ng “The General’s Daughter.” Kung waley pa rin silang taping ay malamang hindi pa ‘nahihilot’ ng production si Angel.