Huling linggo na ng “The General’s Daughter” na pinagbibidahan ni Angel Locsin.

Kung siya ang masusunod, gusto pa niya ng isa pang teleserye bago asikasuhin ang kanyang kasal. Matagal daw bago siya nagkaroon ng serye kaya gusto muna niyang magsawa.

Anyway, kasing tindi ng trending action stunts ni Angel ang mga pasabog, bakbakan, at nakakaantig na mga eksena ng mga karakter sa “The General’s Daughter” para tapusin ang kanilang huling misyon sa nalalapit nitong pagtatapos sa Oktubre 4.

Handog ng pinakamalaking teleserye ng 2019 ang makapigil-hiningang biyaheng puno ng aksyon at emosyon para wakasan ni Rhian (Angel) ang kasamaan ni Tiago (Tirso Cruz III), na nananatiling uhaw sa kapangyarihan.

Walang ibang alam kundi dahas, idadamay ni Tiago sa kanyang plano ang libo-libong inosenteng buhay para pabagsakin ang militar at gobyerno at maging pinuno ng bansa. Plantsado na ang pagbabanta niya sa tulong ng sikretong tauhan niyang si Cinco (Mercedes Cabral), na nagpapanggap bilang isang senador na kinasusuklaman ang mga terorista.

Ngunit nauubusan na ng oras si Rhian, dahil kasabay ng paghahanap nila nina Marcial (Albert Martinez) at Franco (Paulo Avelino) kay Tiago ay ang patuloy rin ang pagtugis sa kanila ng mga awtoridad.

Sa kabila ng pagdurusa ni Corazon (Eula Valdez) dahil sa pag-aalala para sa kanyang mag-ama, tuluyan namang umaklas si Amelia (Janice De Belen) mula sa layunin ng asawa niyang si Tiago at hiniwalayan na ito para magsimula ng bagong buhay kasama ang batang anak nila.

Magtagumpay kaya si Rhian na linisin ang kanyang pangalan at pigilan ang masasamang plano ni Tiago para sa bansa?

Tutukan ang huling linggo ng “The General’s Daughter” sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (Sky Cable ch. 167). (Roldan Castro)