Angel Locsin umapela sa mga magugutom

Trending ang mga hashtag na Darna at Angel Locsin matapos maglabas ng kanyang saloobin ang aktres sa pinatutupad na community quarantine sa Metro Manila dahil sa novel coronavirus disease o COVID-19.

Sa mahaba niyang Instagram post nitong Lunes, nakisimpatiya si Angel sa mga ordinaryong Pilipino na sobrang maaapektuhan ng community quarantine.

“Sa gitna po ng paglaganap ng CoVid19, walang sinoman na nasa matinong pag-iisip ang magnanais na lumabas sa matataong lugar para mahawa at makahawa ng sakit. Alam natin na importante ang social distancing at proper hygiene pero hindi po ito sasapat kung may mga kababayan tayo na kelangang maghanapbuhay bawat araw para makakain at matustusan ang mga basic needs ng pamilya gaya ng pambayad sa renta, kuryente, tubig, at iba pa. Marami rin po sa kanila ay mga contractual workers, mga self-employed, maliliit na manininda na walang tiyak na kita sa araw-araw at baon sa utang,” bahagi ng post ni Angel.

Giit ni Locsin, kung matitiyak lang sana ng pamahalaan na may financial support para sa mga mahihirap ay hindi na kailangang sumugal pa sa labas para magtrabaho.

“Kung matitiyak lang po sana ng ating pamahalaan na may financial support para sa kanila, hindi nila kelangang sumugal sa labas. Malaking bagay din kung may temporary stop on amortizations and loans o kahit pagtanggal sa interest & penalties. Sana rin ay magbigay ng consideration ang mga kumpanya ng basic utilities like kuryente at tubig bilang kawang-gawa sa mga mahihirap na apektado ng dislocation sa trabaho. Sa mga companies na tumulong sa mga empleyado, sana bigyan po ng tax break para wag malubog ang mga kumpanya,” wika pa niya.

Samantala, nag-anunsyo na ang Globe, Meralco na may extension ng isang buwan ang due date ng kanilang mga parokyano.

Nanawagan din ito sa PhilHealth na sana’y balikatin ang pagpapagamot ng mga may COVID-19 at nagpasalamat sa mga public official at awtoridad na gumagawa at nagpapatupad ng batas para sa kaligtasan ng lahat maging ang mga health worker.

“And also, I hope Philhealth will shoulder treatment for those who have CoVid19. Maraming salamat po sa ating mga public officials, pulis, military, etc na gumagawa at nagpapatupad ng batas para po sa kaligtasan natin. Maraming salamat rin po sa mga totoong IDOL, ang ating mga walang kapagurang health workers. Kaya natin ‘to :)” dagdag ni Angel.