Angel maagang dumiskarte na maging Senador

Wala talagang pinalalampas na sitwasyon ang mga bashers. Wala silang kilabot sa katawan. Sa isang panahon na buong mundo na ang nililigalig ng coronavirus ay may panahon pa rin sila para mamintas-bumira ng mga personalidad na may magagandang puso.

Halos wala nang panahon para sa kanyang sarili si Angel Locsin, nakatutok ang kanyang panahon sa pagdo-donate ng mga tent para sa ating mga dakilang frontliners, pero may nahahanap pa ring butas ang mga bashers para ibato laban sa kanya.

Napakaaga raw namang gumalaw ni Angel para sa kanyang matayog na ambisyong maging senador sa taong 2022. Nakaprograma raw talaga ang mga kilos ng aktres, nagpapanggap siyang tagapagsalba ng mga nangangailangan, para lang sa katuparan ng pinupuntirya niyang posisyon sa mundo ng pulitika.

Napakahalay na komento. Hindi ‘yun hinihingi sa isang sitwasyong tulad ngayon na maraming buhay ang nalalagay sa indulto dahil sa COVID-19.

Nakalulungkot lang na ang mga taong tulad ni Angel Locsin na puro pasasalamat at papuri dapat ang tinatanggap ngayon ay nahahaluan pa ng mga malisyosong komento ng mga taong walang magawa sa buhay.

Todo na nga ang pagtulong ay hinahanapan pa rin ng kanegahan ang mga aktibidad ng aktres, huwag naman siyang kumilos ay siguradong hahanapan din siya ng aksiyon, saan nga ba ilalagay ni Angel ang kanyang sarili?

Walang hinihintay na kapalit ang tulong na ibinibigay ng isang sinserong puso. Hindi mahalaga para sa kanya ang medalyang ibibigay ng publiko. Bingi rin siya sa mga papuri.

Ang kanyang kalooban ang pinakamahalaga. Ang kanyang kunsensiya. Kapag maligayang-maligaya ang kanyang puso sa ginagawa niyang pagtulong ay bayad na siya.

Coco ‘di buryong sa lockdown

Siguradong sabik na sabik na ang lahat ng mga artista sa pagtatapos ng enhanced community quarantine sa katapusan ng buwang ito ayon sa Palasyo.

Bukod sa walang pumapasok na biyaya sa kanila habang may lockdown ay hindi sila sanay sa ganitong sitwasyon na nasa bahay lang sila. Naghahanap ng aksiyon ang kanilang sistema.

Hindi gaanong nabuburyong sa lockdown si Coco Martin dahil meron siyang pinagkakaabalahang dibersiyon kapag wala siyang punuang kompromiso.

Ginawa niyang farm ang katabing lote ng kanyang mansiyon sa isang eksklusibong subdivision, marami siyang pananim na gulay, malamig ang mga kamay ng action star sa pagtatanim.

Ilang beses na naming nakita ang kanyang farm, nadadaanan ‘yun papunta sa bahay ng isa naming kaibigan, napakagandang tingnan ng mga nakahilerang balag na inaanihan niya ng iba-ibang klaseng gulay.

Napakasarap naman kasi talagang magtanim, may kakambal ding milagro ang ganu’n, magbabaon ka lang ng buto sa lupa pero ilang araw pagkatapos ay makikita mo na ang pag-usbong ng punla.

Hindi ka man lang maiinip, ilang buwan lang pagkatapos ay mamumunga na ang pananim, meron ka nang mapipitas para iluto at ipangregalo sa mga kaibigan.

Hunk actor diyeta sa sponsor ng bading

Nakakatawa naman ang mensahe ng isang Boogie Wonderland (read: pimp, bugaw) na madalas mangumusta sa amin. Kung natutuwa raw ang ibang artista sa lockdown dahil nagkaroon sila nang sapat na tulog at pahinga ay hate na hate naman ng isang male personality ang ganitong senaryo.

“Paano, walang paraan para makatanggap siya ng biyaya mula sa mga sponsors niya! Bawal lumabas ng bahay, piling-pili ang mga bangkong bukas, kaya inis na inis siya!

“Paano na ang kabuhayan showcase niya, e, tigil pa naman ang lahat ng taping ngayon, wala siyang tinatanggap na talent fee!

“Ang laki-laki ng katawan niya, pero umaasa na lang siya sa mga hatag ng mga sponsors niya! Kaya sabik na siyang matapos ang ECQ, kailangan na niyang mangolekta mula sa mga gay sponsors niya!” tawa nang tawang kuwento ng Boogie Wonderland.

Ay, Japs Gersin, kilalang-kilala natin kung sino ang hunk actor na ‘yan, di ba?