Umiskor ng limang panalo si Patricia Daradar upang maging early gold winner sa 4th Philippine Sports Commission Women’s Martial Arts Festival (WMAF) 2017 fencing event kahapon sa HP Annex sa Harrison Plaza sa Malate, Manila.
“Masaya po at naka-gold ulit ako sa isang competition kasi last year nasa Top 8 lang po ako dito. ‘Yung gold ko po noon sa 2015 Batang Pinoy Luzon leg pa,” anang 11-year-old, grade 6 Angelicum College-Sto. Domingo student at Quezon City Sep Fencing Team member, na wagi sa Under-12 girl’s foil.
Nagkasya sa silver ang dinaig sa finals ng bunso sa tatlong supling ng buy & sell car dealer at housekeeper na si Nami Noto, habang bronze medalists sina Multiple Intelligence International School Grade 8 classmates Yelena Martinez at Marina Carbonell.
Mahigit 1,200 kababaihan mula sa lampas 100 iba’t ibang lungsod, bayan, at lalawigan ang lumahok sa tatlong araw na 10-discipline sportsfest na kinagalak ni PSC Commisssioner at Women In Sports In-charge Fatima Celia Hicarte Kiram.
Mula pa ang ilan sa mga lumahok sa malalayong Baguio, Tuguegarao, Digos, Iloilo, Davao at iba na humihiling din kay Kiram na gawing weekend o summer ang event para umayon sa kanilang mga schedules.