Angelika, Mika dela cruz pinahirapan ng PAL-Lucio Tan

Naging kalbaryo ang masaya sanang bakasyon ng magkapatid na aktres dahil sa umano’y malabong sistema ng Philippine Airlines.

Ito’y matapos maiwan sa Cebu ang naka­babatang kapatid ni Angelika Dela Cruz na si Mika nang bumiyahe ang kanilang pamilya noong Oktubre 26 patungo sa isla ng Siargao.

Sa Instagram post, makikitang naka-thumbs down ang Kapuso actress at ikinuwento ang kalbaryong pinagdaanan sa mga bisor ng airline na pag-aari ng negosyanteng si Lucio Tan.

“Hindi ako naniniwala sa ‘the customer is always right’ na kasabihan. Pero naniniwala ako na ‘pag may problema…dapat soluyonan!” saad sa caption ni Angelika.

Imbis na tulungan, pinagpasapasahan lang daw sila sa Mactan-Cebu International Airport ng mga taga-PAL hanggang sa naubusan na sila ng oras para maisama ang kapatid niyang si Mika sa parehong flight.

“Bigyan niyo uli ng trainings and seminars sa customer service ang mga supervisor ninyo na ayaw mag effort sa pag solusyon sa problema ng tao,” sabi ni Angelika sa kanyang rant sa Instagram. “Pinahirapan at pinagastos pa kami kesa tulungan…kawawa tuloy si Mika de la Cruz na naiwan sa Cebu dahil sa inyo.”

Sinagot si Angelika sa IG ng isang nagtratrabaho sa PAL. Sabi ni @sharmainederrrr, tama daw ang ginawa ng naka-duty dahil iba ang booking nilang magkapatid pero inamin din nito na-offload ang kapatid ni Angelika na si Mika.

Sabi ni @sharmainederrrr, talagang mao-offload si Mika dahil 11:30 ang flight niya samantalang ang flight naman ni Angelika at ng iba pa nitong mga kasama ay 2:30pm.

Lalo lang nairita si Angelika sa hirit ng taga-PAL dahil sinabi naman niyang nag-effort ang mga tauhan ng PAL na nasa Gate 25b ng Mactan airport at yung mga bisor ang nagpabalikbalik sa kanila. Kahit iba ang booking nilang magkapatid, humingi sila ng tulong para magkasabay sabay sila ng flight.

“Kung nakinig sila sa problema naming at sinabi nila earlier walang magiging problema. WE ARE WIL­LING TO PAY,” dagdag pa ni Angelika.

Ayon naman kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, mas maaga ang flight ng kapatid ni Angelika at may proseso ang PAL para magkasabay sila ng flight. As of press time, hinihintay pa niya ang incident report para malaman kung bakit hindi nagawan ng paraan para masama sa parehong flight ang kapatid ­niyang si Mika.