Nakakaawa naman sina Angeline Quinto at Morissette Amon. Kung nakamamatay ang bashing ay ilang araw na silang pinaglalamayan ngayon. Ang mga Popsters ni Sarah Geronimo ang umuupak ngayon sa dalawang singers.
Kasi raw, nang ipalabas ang video ni Sarah Geronimo sa Las Vegas kung saan naging emosyonal ito ay pinagtawanan ‘yun nina Angeline at Morissette, sinabihan pa raw nila ng pabebe si Sarah na narinig ng isang staff ng ASAP.
Pinalagan ni Angeline ang kuwento. Never nilang pinagtawanan ni Morissette ang video, hinding-hindi rin nila sinabing pabebe ang kanilang kasamahan, kaya walang dahilan para pakainin sila nang maaanghang na salita ng mga tagasuporta ni Sarah.
Ang gustong ilabas ngayon ni Angeline ng mga umuupak sa kanila ni Morissette ay ang staff na diumano’y nakakita-nakarinig sa kanila na pinagtatawanan si Sarah. Kailangang maugat kung sino ang pinagmulan ng kuwento kung totoo ngang ganu’n ang ginawa nila.
Nalaman pala ni Angeline ang naganap sa concert ni Sarah kinabukasan na, kaya paano nila nagawang pagtawanan ni Morissette si Sarah nu’ng Linggo pa lang, mukhang may sabit ang kuwento sa pagkakasalansan ng senaryo.
Matindi ang respeto ni Angeline kay Sarah, tinitingala niya ang magaling na singer-actress, bibihira tayong makarinig ng mga personalidad na lantad ang pagsasabi ng pagrespeto at paghanga sa mga kasamahan nila.
Ang sasakit ng mga salitang ibinabato laban kay Angeline Quinto. Tomboy na ay laos pa. Sakali ngang tomboy si Angeline ay krimen na ba ‘yun? Mababawasan ba ng laman ng pinggan ng kahit sino kung totoo ngang ganu’n ang kanyang kasarian?
At hindi laos si Angeline Quinto, sumisipa ang kanyang career, bibihira ang tulad niya na panalo na sa kantahan ay napakanatural pang umarte.
Ilabas ang ebidensiya, ‘yun lang ang hiling ni Angeline Quinto, para naman maging malinaw ang isyung ibinibintang sa kanila ni Morissette Amon.
Resibo ang kailangan.