NAPA-FLASHBACK ang press sa TGIS days nang magkakasunod na rumampa sa presscon ng Mulawin vs. Rave­na sina Angelu de Leon, Bobby Andrews at Joko Diaz.

Ka-loveteam ni Angelu si Bobby nu’ng late ‘90s sa hit teen show na TGIS at nasa peak siya ng kanyang career nang mabuntis siya ni Joko.

Ngayon ay magkakasama silang tatlo sa isang GMA show, na ang sabi ni Angelu ay nagkagulatan na lang sila ni Joko sa storycon ng MVR.

In fairness ay civil sila ni Joko sa isa’t isa at wala silang issue eversince. As in normal lang sila na nag-uusap ‘pag nagkikita.

“Forgiven and forgotten,” ang linya sa amin ni Angge, sabay hirit ng, “I remember the boy, but I don’t remember the feeling anymore.”

18-anyos na ang anak nila ni Joko na si Nicole.

Ayon kay Angelu, civil lang din ang relasyon ni Nicole kay Joko. Hindi lumalabas o nagba-bonding ang mag-ama.

Pareho nang may asawa’t anak sina Angelu at Joko.

Sey ng 37-anyos na Kapuso actress, wala siyang masasabi sa kanyang buhay may-asawa dahil sobra siyang blessed sa mister niyang si Wowie Rivera.

May dalawang anak si Wowie at dalawa rin ang kay Angelu, so ang total ay they have 4 children.

Sobrang close ang 2 girls ni Angge kay Wowie at mas nagko-confide pa ito sa mister niya kesa sa kanya.

Nagkaroon ng Bell’s Palsy si Angelu at sabi niya sa amin ay may konti pa ito, so she’s still praying for complete healing.

Ang ginagawa ng isang may Bell’s Palsy ay therapy, accupuncture, nagti-take ng multivitamins, at sana ay less puyat.

Nangyari ang insidente last November na nasa Boracay sila at nagbabakasyon dahil birthday ni Nicole.

Bigla na lang bumagsak ‘yung left side ng mukha ni Angge. May feeling ‘yung part na ‘yon ng face niya, pero walang muscle movement.

Akala niya ay stroke, buti na lang at hindi.

Second time na pala niya ito dahil taong 2009 nang una siyang magka-Bell’s Palsy.

Inamin ni Angelu na may time na tinatamaan siya ng depression dahil nagwu-worry siya na baka hindi na bumalik sa normal ang mukha niya.

Nagpapasalamat siya na, nang ialok sa kanya ang Mulawin vs. Ravena ay paokey na siya.

Kahit magkakasama silang tatlo rito nina Bobby at Joko ay hindi sila magkakaeksena dahil nasa mortal world ang dalawa at siya ay sa Avila nakatira.

Ang human character ni Angelu na si Lourdes ang umampon kina Alwina (Heart Evangelista) at Pagaspas (Miguel Tanfelix) sa sequel ng Mulawin saga.