Naaresto ng pinagsanib na puwer­sa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Angkas driver at kasabwat nitong babae matapos mahulihan ng 24-pakete ng shabu sa buy-bust operation sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Ayon kay QCPD Officer-In-Charge, Police Col. Arthur Bisnar, ang mga suspek na sina Jomar Ocfemia, 34 at kasabwat umanong si Rhea Calumba, 24, ng Brgy. San Roque, Cubao ay inaresto ng mga tauhan ng Cubao Police Station (PS-7) at PDEA National Capital Region, alas-9:30 ng gabi sa 2nd Camarilla St., malapit sa 18th Ave., Brgy. San Roque, Cubao.

Si Ocfemia ay dati nang naaresto sa kasong pag-iingat at pagbebenta ng iligal na droga noong Nobyembre 8, 2016 ngunit nakapag-avail ng plea bargaining sa Quezon City Regional Trial Court Branch 15, habang si Calumba naman ay isang drug surrenderee ng Brgy. San Roque.

Bago ang pag-aresto ay inilagay umano sa close monitoring ng mga awtoridad at barangay official ang mga suspek.

Nang makumpirma ang ulat ay agad nang nagkasa ng buy-bust ope­ration at makumpiska sa dalawa ang 24-pakete ng shabu na nagkakahalagang P20,400; isang Honda Beat motorcycle, cellphone at buy-bust money. (Dolly Cabreza)