Buking sa checkpoint ang isa umanong Angkas driver matapos madakip ng Manila Police District (MPD) sa isang checkpoint operation kamakalawa ng gabi sa may Palanca St. San Miguel, Maynila.

Nasamsam sa suspek na si Bung Talusan y Camin, 25, tubong Maguindanao, at taga-Purok 2 Isla Puting Bato, Brgy 20 Tondo, Maynila, ang may 8 gramo ng shabu na nagkakahalagang P54,000.

Alas 10:55 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng MPD-PS8 ang suspek sa nabanggit na lugar.

Sakay umano ng kanyang motorsiklong Honda wave nang masita ang suspek at nang kapkapan ay nakuha ang nasabing shabu.

Nakadetine sa MPD-PS 8 ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Manila Prosecutors Office. (Juliet de Loza-Cudia)