Angkas ginipit ng LTFRB sa bawas rider

Umaangal ang motorcycle ride-hailing app na Angkas dahil hindi sila binigyan ng sapat na panahon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bago tinapyasan ang bilang ng kanilang mga ri­der na bibigyan ng permiso para bumiyahe.

Disyembre 22 nang magsagawa ng kilos protesta ang mga Angkas rider dahil tatanggalan sila ng 17,000 rider sa pilot program extension ng LTFRB.
Hindi matanggap ng Angkas na babawasan ang bilang ng kanilang mga rider at naniniwala itong ang pagsusumite ng partial list ay hindi makatarungan para sa 17,000 rider.

Giit ni Angkas chief transport advocate George Royeca kahapon, nakapagsanay at nakapagsilbi na ang mga masisibak na Angkas ri­der sa kanilang mga pasahero sa loob ng anim na buwan o higit pa.

Aniya, hindi rin sapat na big­yan sila ng dalawang araw na walang pasok para i-evaluate lahat ng kanilang mga rider at hindi nila mapasan ang kargo ng pagtanggal ng kabuhayan ng 17,000 pamilya.

Ayon kay Royeca, dalawang araw lamang ang ibinigay sa kanila ng LTFRB para irehistro ang 10,000 rider.

Sinabihan aniya sila noong Disyembre 20 na magiging epektibo ang ekstensyon ng pilot program sa Disyembre 23 at noong Disyembre 22 lamang ng alas-11:52 nang umaga sila sinabihan ng tanggapan ni LTFRB Board Member Antonio Gardiola Jr. na magsumite ng partial list ng araw din na iyon.

“The LTFRB did not give us enough time to even start evaluating who will be placed on the 10k list. How can 2 nonworking days be enough time to conduct an evaluation and trim the bi­kers down to 10,000 from 27,000? We ask the LTFRB to not take the 17,000 livelihood so lightly. These are 17,000 families that will be displaced,” dagdag ni Royeca.

Sabi pa ni Royeca, pinapanalangin nilang maayos ng LTFRB ang mga pahayag nito at lagyan ng tamang konteksto para hindi makapanlinlang. (Eileen Mencias)