Angkas na dalaga pumailalim sa trak

By Dolly Cabreza

Patay ang 28-anyos na dala­ga nang mahulog sa sinasak­yang motorsiklo na minamaneho ng umano’y boyfriend nito nang salpukin at pumailalim sa trailer truck sa Quezon City nitong Biyernes nang madaling-araw.

Kinilala ni P/Msgt. Edgardo P. Talacay, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5 ang biktima na si Leonora Manzano, ng Purok Laloma, Sitio 8, Area D Camarin 2, Caloocan City.

Si Manzano ay binawian ng buhay dakong alas-kuwatro nang madaling-araw kahapon sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong matinding pagkabagok.

Kusa namang sumuko ang driver ng trailer truck na si Justiniano Pujante Gabiosa, 45, ng Brgy. Casio, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Talacay, ala–1:30 nang madaling araw (Hunyo 1), magkaangkas umano sa motorsiklo ang magkasintahan at habang binabaybay ang southbound ng Commonwealth Ave. sa kanto ng Tandang Sora Ave., ay bigla na lamang nahulog ang tubo mula sa trailer truck.

Iniwasan ng motorsiklo ang tubo dahilan upang mawalan ito ng balanse, nahulog ang angkas na si Leonora at tumilapon sa ilalim ng truck.