Panahon na para pagtuunan ng pansin ng LTFRB at ng ating mga mam­babatas sa kongreso ang bagong nauusong sistema ng transportasyong pampubliko gamit ang single na motorsiklo na kung tawagin ay ‘angkas’.

Sa panayam ko sa ating radio program kay Atty. Ariel Inton, Presidente ng Lawyers for Commu­ters Safety and Protection, sinabi niyang may mala­king problema sa Angkas kung ang pagbabatayan ay ang department order ng DOTr 2017-011 kung saan malinaw na nakasaad sa MOTORCYCLES AND OTHER FARM IMPLEMENTS such as the kuliglig are likewise NOT ALLOWED AS PUBLIC TRANSPORT CONVE­YANCE.

Ang ibig sabihin daw nito ay hindi pwedeng gamiting pamasada ang motorsiklo. Hindi rin maaring gamitin ang motorsiklo bilang sasakyan ng Transport Network Company na gumagamit ng app-based services, ayon sa department order ng DOTC at memorandum circular ng LTFRB.

Sa katunayan aniya, binigyan na dati pa ng cease and desist order ng LTFRB ang Angkas na itigil na ang operasyon nila dahil nga sa mga paglabag nito sa mga polisiya sa public transportation. Pero ang sigaw nga ng marami – Angkas lang ba ang gumagamit ng motorsiklo?

Merong habal-habal, Skylab, o motorcycle taxi at iba pa. In fairness sa Angkas, at least may mga safety measures pa rin sila sa kanilang operasyon.

Ang sabi naman ng mga supporters ng Angakas – paano naman ang libu-libong umaasa sa Angkas na dahil nga sa tindi ng traffic ay ito na nga pinili nilang mode of transport. Kaya naman ito ang isang hamon sa ating mga nanunungkulan sa hanay ng transportasyon.

Ipapatigil ba ang mga transport provi­der tulad ng Angkas o ire-re­gulate? Kung ipatitigil naman, kaya ba nila?

Kung ire-regulate naman, may batas na ba? Matindi talaga ang kasalukuyang hamon sa sektor ng transportasyon. Ang public need and demand ay muling sumi­sigaw na sana ay payagan na ang motorsiklo na pumasada tulad ng ginagawa sa ibang bansa.

Ang malaking tanong din ay hindi daw sakop ng LTFRB ang mga pampublikong sasakyan na dalawa lamang ang gulong tulad ng motorsiklo at traysikel. Ang TODA naman ay sinasaklaw ng TRU o tricycle regulatory unit na sakop naman ng local government unit o LGU.

Gaano man kasali­muot ang usapin, seguradong may solusyon d’yan. Panahon na para mag-usap ang DOTC, LTO, LTFRB at ang Kongreso para amyendahan ang ating batas sa public transportation, bago pa tuluyang maging mas grabe pa ang mga aksidente sa mga pasaherong aangkas sa disgrasya!