Nanganganib na hindi maisama ang motorcycle ride-hailing firm Angkas sa mga ligal na makakapag-operate matapos malaman ng motorcycle taxi technical working group (TWG) na nag-o-operate ito sa mga lugar na hindi pinapayagan sa pilot run guidelines.

Nabatid na ang Angkas ay awtorisado lamang na makapag-operate sa Metro Manila at Metro Cebu.

Gayunman, sinabi ng TWG na kinabibilangan ng mga transportation official, base sa field report at social media posts lumalabas na may Angkas sa Caga­yan de Oro City at General Santos City sa Mindanao.

“This is a clear breach of the terms of reference by Angkas, and a blatant, and very dangerous disregard of the agreed guidelines set by the TWG,” ayon sa grupo.

Sanhi nito, inatasan ng TWG ang Angkas na magpaliwanag kung dapat silang maparusahan ng TWG.

Kaugnay nito, dumipensa naman ang Angkas at sinabi na nakikipagtrabaho sila sa local government units (LGU) ng case to case basis depende sa panga­ngailangan o kahilingan ng LGUs.

Inamin naman ni Angkas chief transport advocate George Royeca na sa General Santos City at Caga­yan de Oro ay binigyan sila ng basbas ang ride-hailing firm na magsilbi sa naturang mga lugar.

Gayundin, sinabi ni Royeca na may lokal na ordinansa sa Cagayan de Oro na pinapayagan ang motorcycle taxi operations.

Iginiit naman ni LTFRB board member and TWG chairman Antonio Gardiola Jr. na walang batas na sumasakop sa operasyon ng motorcycle taxis bilang isang mode of public transportation.

Gayunman, may mga lokal na ordinansa na pumapayag sa motorcycles-for-hire ay depektibo sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Ang hirap dito sa Angkas ay na-misconstrue nila na ‘yung pilot run is a license for them to make mone­y,” ayon kay Suansing. (Juliet de Loza-Cudia)