Angkla, SB Party-list okay sa Banat formula ng Comelec

Natuwa ang mga lider ng grupong party-list matapos ipahayag ng Commission on Elections (Come­lec) na gagamitin na nila ang tinaguriang ‘Banat formula’ sa pagtatalaga ng mga kinatawan ng party-lists sa Kongreso.

Nauna rito, binatikos ni Angkla Party-list nominee Atty. Jess Manalo ang Comelec, at kasama ang SB Party-list, at naghain pa sila ng petisyon sa Korte Suprema na pigilin ang Comelec sa pagproklama ng mga kinatawan ng mga naturang grupo na hindi naaayon sa Banat formula.

Ang naturang pagkakamali, ayon kay Manalo ay naging dahilan para mawalan ng karapatan ang mga ‘marginalized party-list’ na mangakaroon ng kinatawan at boses sa Kongreso.

Ang Banat formula na ipinaglalaban ni Manalo ay batay sa kapasyahan ng Korte Suprema noong Hul­yo 8, 2009 sa kaso ng Barangay Association for National Assessment and Transparency (BANAT) laban sa Comelec kung saan sinabi ng Korte na labag sa Saligang Batas ang paulit-ulit na paggamit sa itinalagang 2% ‘threshold” ng bilang ng boto na dapat gamitin sa unang ikot lamang ng pagbilang.

Nauna nang binatikos ni Manalo na sa kabila ng naturang desisyon ng Mataas ng Hukuman, pinanatili ng Comelec ang pauli-ulit at maling paggamit nito sa itinalagang 2% ‘threshold’ sa pagbilang ng pangkalahatang boto at pagtatalaga ng mga kinatawan ng mga party-list.

Sa pahayag ni Comelec spokesman James Jimenez nitong nakaraang Martes, sinabi niyang gagamitin na ng kanilang ahensiya ang ‘Banat formula’ sa pagtatalaga ng mga kinatawan ng mga grupong party-list. Sa ilalim nito, ang lahat ng party-list na umabot ang boto sa 2% ‘vote threshol­d’ ay garantisado na sa isang puwesto sa Kongreso.

Pagkalampas ng 2% ‘threshold,’ rarangguhin ang naturang mga party-list bayay sa boto nilang nakuha mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa at ang mga natitira pang puwesto ay ibibigay sa kanila batay sa kanilang ranggo. Tatlong puwesto ang pinakamaraming maaaring mapa­nalunan ng isang party-list. (Vick Aquino)