Ano itong sangkatutak daw na exemptions na nakapaloob sa inilabas na Executive Order sa Freedom of Information (FOI) ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Sa inilabas na draft ng manual ng Palasyo ng Malakanyang sa FOI ay may nakatalang 166 restrictions kabilang dito ang national­ security, executive privilege at violation ng personal privacy.

Pasok din sa 166 restrictions ay ang pagbabawal na maglabas ng Statements of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno gayong batid naman nating lahat na ang pangunahing rason kaya isinusulong ang pagsasabatas ng FOI ay upang maging bukas sa publiko ang SALN ng mga ito.

Hindi yata maganda ang pangyayaring ito dahil taliwas ito sa tunay na layon ng FOI.

Kaya tama lamang na burahin ito sa talaan ng mga inilistang limitadong saklaw ng FOI.

Tutal ay hindi pa pinal ayon nga sa mga tagapagsalita ng Palasyo­ ng Malakanyang ang inilabas na draft sa FOI dapat ay tanggalin na ang mga dapat tanggalin dahil tiyak namang hindi iyan makakaluso­t sa mabu­sising mga mata ni ­Pangulong Duterte.

Dahil kung ipipilit din lang ng gobyerno ang FOI na may 166 exceptions o restrictions aba’y wala rin itong dating. Mistula lang itong isang palamuti na wala naman palang pakinabang.

Kung talagang ang layon ng gobyerno ay mapalaganap ang transparency sa mga transaksyon sa gobyerno dapat ay walang iniipit, walang inililibreng hindi makalkal, maliban na lamang sa usaping may kinalaman sa national security.