Animam lalarong import sa Taiwan

Matapos makadalawang gold medal sa 30th Southeast Asian Games PH 2019 noong Disyembre, may bago na namang maidadagdag na karangalan si Jack Danielle Animam sa kanyang pangalan at sa bansa.

Binunyag ng 21-year-old, 6-foot-2 national women’s basketball team (Gilas Women) mainstay sa Sportalakan Abante Online Show noong Martes, na kinuha siyang bilang import sa isang collegiate league sa Taiwan.

Kung ipahihintulot aniya ng tadhanan o pagkatapos ng coronavirus disease 2019, maaring sa Hulyo-Agosto ang lipad niya pa-Taiwan kung saan mag-eenrol siya sa isang eskuwelahan para tapusin ang masters’ degree.

Ayaw lang munang isiwalat ng 2019 SEA Games women’s 5×5 at 3×3 PH hoops team member gold winner ang pangalan ng pamantasang papasukan.

Nakatakda rin siyang magpaalam kay national coach Patrick Henry Aquino at sa Samahang Basketbol ng Pilipinas bilang miyembro sa kasalukuyan ng national training pool.

Si Aquino rin ang bench tactician ni Animam sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) swomen’s 5×5 cage six-peat champion National University Lady Bulldogs sa likod ng unbeaten 96 games. (Sarah Jireh Asido)