Dalawang beses lumuhod sa elimination round ang De La Salle University sa mahigpit na karibal na Ateneo.

Pero sa pinakaimportanteng laro ng season, nakabawi ang Lady Spikers para sikwatin ang back-to-back titles at 10 crown overall.

At sa ikalawang sunod na season, umalingawngaw ang Animo! sa Taft.

Naiwan sa 2-1 matapos ang third set, gumapang ang La Salle para panain ang 19-25, 25-14, 18-25, 25-18,15-10 panalo kontra Lady Eagles kahapon at walisin ang best-of-three finals series ng 79th UAAP women’s volleyball sa Smart-Araneta Coliseum.

“Sistema, hardwork at discipline. ‘Yun ang key sa panalo namin,” wika ni winning coach Ramil De Jesus.

Bumawi agad ang Lady Spikers sa second frame para itabla sa 1-1 matapos matisod sa unang set, umarangkada sa umpisa para hawakan ang nine-point lead, 11-2.

Dumikit ng Lady Eagles matapos tapyasin sa pito ang hinahabol 13-6 pero hindi pumayag ang La Salle na lumapit pa ang karibal.

Pumalo ang Lady Spikers ng 6-1 para diktahan ang fifth set, umunat sa anim ang kanilang bentahe, 10-4, sa atake ni Kim Dy.

Kumana si Dy ng 19 points kasama ang 15 kills at three blocks, bumakas sina Ernestine Tiamzon, Desiree Cheng at Season MVP Majoy Baron ng 16, 12 at 10 markers para sa Lady Spikers.

May 16 puntos si Michelle Morente para sa Ateneo, may tig-14 sina Jo Maraguinot at Bea De Leon.

Si Cheng ang Finals MVP.